VAT-exempt sa gamot, tiyaking maipatutupad
- BULGAR

- Apr 15
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 15, 2026

Malaking tulong sa milyun-milyong Pinoy na araw-araw na nakikipaglaban sa sakit ang pinakabagong hakbang ng gobyerno na alisin ang Value-Added Tax o VAT sa libu-libong gamot.
Sa panahon na maraming pamilya ang namimili kung pagkain ba o pambili ng medisina ang uunahin, malinaw na malaking bagay ang desisyong ito.
Hindi man nito agad nito buburahin ang hirap ng buhay, isa lamang itong konkretong kilos na direktang mararamdaman sa bulsa ng mamamayan.
Pormal nang inilabas ng Bureau of Internal Revenue ang Revenue Memorandum Circular No. 27-2026 noong Abril 8, 2026, kung saan idineklarang VAT-exempt ang 2,263 gamot na inaprubahan at inendorso ng Food and Drug Administration (FDA) sa ilalim ng Department of Health (DOH). Ibig sabihin, inaasahang bababa ang presyo ng mga ito dahil wala nang karagdagang buwis na ipapasa sa mga bumibili.
Pinakamalaki sa listahan ang para sa mga may kanser na umabot sa 702 uri ng gamot.
Kasunod nito ang 535 para sa hypertension, 327 para sa diabetes, 300 para sa mental illness, 171 para sa mataas na cholesterol, 152 para sa sakit sa bato, at 76 para sa tuberculosis. Ipinapakita lamang nito na tinutukan ng pamahalaan ang mga sakit na karaniwang nagpapahirap at nagpapalubog sa gastusin ng maraming pamilya.
Ipinatutupad ang tax exemption na ito alinsunod sa TRAIN Law at CREATE Act, mga batas na layong magbigay-ginhawa at magpasigla sa ekonomiya.
Ayon sa isang opisyan ng BIR, bahagi ito ng mandato ng gobyerno upang mapababa ang halaga ng mga gamot sa bansa.
Suportado rin ito ng Department of Finance (DOF), habang itinuturing namang tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan.
Hindi lamang simpleng numero ang 2,263 gamot. Katumbas ito ng mas maraming maintenance medicine na mabibili ng senior citizen, mas malaking tsansang makumpleto ang gamutan ng pasyente, at mas kaunting pangungutang ng pamilyang gipit. Kapag bumaba ang presyo ng medisina, nababawasan ang pangamba sa bawat reseta na hawak ng pasyente.
Gayunman, hindi dapat dito magtapos ang reporma. Kailangang bantayan kung tunay ngang ibababa ng mga botika at supplier ang presyo at hindi mananatili sa papel lamang ang benepisyo. Dapat ding tiyakin na sapat ang suplay ng mga gamot lalo na sa mga probinsya at pampublikong ospital.
Magandang simula ito ng gobyerno para ipakitang may malasakit sa kalusugan ng mamamayan. Kapag ang gamot ay naging abot-kaya, mas lumalakas ang pag-asa ng bawat Pinoy na mabuhay nang mas maayos. Ang tamang batayan ng batas ay hindi lamang pag pirma sa dokumento kundi ginhawang nararamdaman ng taong nangangailangan.




Comments