Sa kalsada at sa buhay, kapahamakan ang dulot ng pagbalewala sa babala

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 25, 2026

Noong nag-aaral pa tayo sa Roma, madalas nating marinig ang kasabihang, “Hamak na payo lamang ang mga batas-trapiko.” “Traffic signs are just a suggestion!” Sa madaling salita, nasa iyo kung susunod ka o hindi sa mga batas-trapiko.
Ganito ang paliwanag sa atin ng mga manggagawang Pinoy na matagal nang nagtatrabaho sa Roma. Meron din naman tayong sariling bersyon dito. Oo, meron ngang mga traffic lights at alam naman maski na ng mga musmos kung ano ang ibig sabihin ng “yellow, red at green.” Ngunit, madalas makita ang maraming nagmamaneho lalo na ang mga nagbibisikleta, tricycle at motorsiklo na merong ibang tinitingnan maliban sa mga “traffic lights.” Palingon-lingon ang marami kung meron o walang pulis o MMDA na nagbabantay. Takot sa huli at hindi paggalang at pagsunod sa batas-trapiko ang umiiral sa marami.
Malinaw ang bunga ng ganitong pananaw at ugali—aksidente at kapahamakan! Mag-iisang buwan na nang mangyari ang kinatatakutang aksidente sa kalye sa harap ng subdibisyon na kinatatayuan ng aming simbahan. Bandang alas-11 ng gabi noon. Pauwi tayo mula sa isang pulong sa pamayanan nang maabutan namin ang isang aksidente. Nasa gitna ng daan ang nakaparadang kotse na patawid pa lamang mula sa kalyeng karugtong ng kalyeng palabas mula sa subdibisyong kinalalagyan ng simbahan.
Sa loob ng SUV, nakaupo ang babaeng nagmamaneho. Sa kalye sa banda ng pasahero, nakataob ang motorsiklo at ang drayber sa tabi nito. Maaaring pinabayaan na lang namin ang karaniwang eksena ng banggaan ng motor at kotse o motor sa motor, ngunit pinili naming bumaba at lapitan ang dalawang drayber, ng SUV at ng motorsiklo. May lalaking nakatayo sa tabi ng babaeng drayber. Nagpakilala itong asawa ng babae. Medyo tulala ang babaeng drayber. Nagpaliwanag ang lalaki kung ano ang nangyari.
Palabas ng kabilang kalye upang kumaliwa sa kabilang kalsada ang SUV. “Green” na kasi ang ilaw kaya tumuloy sa pagtawid ang drayber. Subalit iba ang nangyari sa kabilang bahagi ng kalyeng tinatawiran ng SUV.
Nakita na marahil ng drayber ng motorsiklo ang dilaw na ilaw na isa at hindi dalawa ang ibig sabihin, bumagal at tumigil dahil pupula na ang ilaw at dapat nang tumigil para ligtas na patawirin ang mga sasakyang patawid na dahil mag-gi-green na ang ilaw.
Sa halip na bumagal sa pag-dilaw ang ilaw, siyang todong haripas para maunahan ang pag-pula ng ilaw at baka wala namang tatawid at tuluy-tuloy ang takbo ng motorsiklo. Subalit, mayroong patawid na sasakyan na tamang-tama sa pagharipas ng motorsiklo. Bumangga ang motorsiklo at ang drayber nito sa gilid ng SUV. Wasak ang harapan ng motorsiklo at makikita ang bakas ng halos buong katawan ng drayber sa kahabaan ng gilid ng SUV.
Tahimik at medyo tulala pa ang drayber ng SUV. Paglapit naman natin sa drayber ng motorsiklo, umuungol ito, “Masakit ang aking mga braso. Bali kaya ang mga braso ko? Masakit ang kanang hita ko. Bali kaya ito?” Kinausap natin ang drayber ng motorsiklo, “Malalaman mo sa ospital kung ano ang kalagayan ng iyong katawan. Ang mahalaga, nagsasalita ka at buhay ka!” Ngunit tuloy pa rin ang tiyak na tulalang drayber ng motorsiklo sa kanyang pagtatanong tungkol sa kanyang mga braso at hita.
Maya-maya dumating ang kanyang girlfriend na nagbitiw ng salita, “Beating the red light ka!” Dinasalan natin ang drayber hanggang sa dumating ang ambulansya. Tinulungan pa natin ang mga tauhan ng ambulansya na ihiga sa stretcher ang nakahigang drayber ng motorsiklo. Panay “aray” ang lumabas sa bibig ng nakahigang drayber ng motorsiklo. Nang naihiga na ang drayber ng motorsiklo sa stretcher, pinagtulungan ng apat na taong buhatin ito sa ambulansya.
Nagbabala si Kristo sa ebanghelyo noong nakaraang araw, “Marunong kayong bumasa ng mga tanda ng panahon. Kung habagat, alam ninyong iinit ang panahon. Kung amihan, lalamig. Alam din ninyo kung kailan uulan at hindi. Ngunit hindi kayo marunong magbasa ng ibang tanda tungkol sa nangyayari sa lipunan at mundo. Hindi ninyo iniintindi kung ano ang makakabuti o makakasama.” (Lukas 12:54-59)
Kay daming mga tanda rito at sa ibang bansa. Sa halip na magbasa ng tanda, tingnan at unawain nang maigi ito, pipiliin pa ng marami ang bigyan ng ibang kahulugan at kahalagahan ang mga tanda. Kung hindi pabor, maghahanap ng dahilan upang ibintang sa iba ang problema o pagkakamali. Kapag pabor, aakuin ang nangyari.
Dahil sa akin, sa amin, kung bakit nangyari ang maganda at tama maski na malinaw na merong ibang dahilan at pinagmulan ito. Maliban kung matatanggal ang mga nakabara sa ating mga mata, puso, isip, kaluluwa at dadaan lamang na hindi naiintindihan ang mga tanda. At ipipilit ang gusto maski na mali.
Papaspasan sa halip na bagalan para tumigil ang motorsiklo sa pag-dilaw ng ilaw. Maaaksidente, mababalian at magtatanong… “nabalian ba ako?” At sanay may magsabing, “beating the red light ka kasi!!!”





Comments