top of page
BIDA - XIAN GAZA, SOBRANG LIBELOUS ANG PANINIRA KAY ALDEN, NAGTATAGO SA THAILAND_FB Christ

Emergency hotlines ng OFWs, dapat bukas 24/7

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 25, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Nanawagan ako sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay at pagbibigay ng tulong sa ating mga overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng mga kaguluhan at banta sa seguridad sa iba’t ibang bahagi ng mundo, partikular sa France, Saudi Arabia, at Israel.


Marami sa ating mga kababayan ang nagtatrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Kaya kapag may kaguluhan o panganib sa kanilang lugar, dapat agad na matutukan ng national government ang kanilang kalagayan at matiyak na may malalapitan silang tulong.


Palagi kong paalala sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at sa ating mga embahada na patuloy na makipag-ugnayan sa mga Filipino community at maghanda ng mga kinakailangang hakbang sakaling kailanganin ang agarang paglikas o pagpapauwi sa ating mga kababayan. Sana ay panatilihin ninyong bukas 24/7 ang inyong mga opisina para mayroong matatakbuhan ang ating mga OFW. 


Sa ating mga kababayang nasugatan, dapat tiyakin ng concerned agencies na natatanggap nila ang kinakailangang gamutan at tulong. Dapat patuloy na bantayan ang kanilang kondisyon hanggang sa tuluyan silang gumaling. Kailangan ding alalayan ang kanilang mga pamilya rito sa Pilipinas na siguradong nag-aalala sa kanilang kalagayan.


Para sa ating mga OFW, sana po ay palagi kayong makinig sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad at ng ating mga embahada. Mahalagang alam din ninyo ang mga emergency hotline numbers na maaaring tawagan kapag nangangailangan ng tulong.


Matagal na nating isinusulong ang mas maayos na proteksyon at serbisyo para sa ating overseas Filipino workers. Isa ako sa mga may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641, ang batas na nagtatag sa DMW sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 


Mahalaga rin na may sapat na suporta silang matatanggap kapag nakauwi na sa bansa. Kaya inihain ko ang Senate Bill No. 1776, o ang panukalang Bagong Balikbayan Act, na naglalayong palakasin ang mga programa para sa trabaho, pagsasanay, kabuhayan, at iba pang tulong sa mga nagbabalik na OFW.


Para naman sa kanilang pangangailangang pangkalusugan, inihain ko rin ang Senate Bill No. 414 na layong maisabatas ang pagtatatag ng OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga, na naitayo noong panahon ng administrasyong Duterte.


Isinulong ko rin ang Senate Bill No. 1290, o ang panukalang OFW Ward Act, upang magkaroon ng mga nakatalagang ward para sa mga OFW at kanilang mga dependent sa mga ospital na pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH).


Bahagi ito ng ating patuloy na pagsusulong ng mga reporma sa kalusugan upang mas maraming Pilipino, kabilang ang ating mga OFW at kanilang pamilya, ang magkaroon ng mas madaling access sa serbisyong medikal.


Bilang inyong senador at isang health reforms crusader, patuloy kong isusulong ang mga hakbang na magpapalakas sa proteksyon, kalusugan, at kapakanan ng ating kapwa Pilipino, nasa loob man o labas ng bansa.


Samantala, noong October 13, personal tayong nagtungo sa Quezon City upang magbigay ng tulong sa 221 benepisyaryong naapektuhan ng kamakailang sunog, sa pakikipag-ugnayan kina Congressman Bong Suntay, Councilor Migs Suntay at Barangay Central Chairwoman Rosa Magpayo.


Noong October 16, nagtungo naman tayo sa Brgy. Leon Garcia, Davao City upang personal na magbigay ng tulong sa ating mga kababayang naapektuhan ng malaking sunog.


Namahagi rin tayo ng karagdagang tulong sa mga nasunugan noon sa Brgy. 20, Tondo, Manila. Nakatanggap din sila ng housing materials assistance mula sa national government.


Noong nakaraang linggo, naghatid din ng agarang tulong ang ating Malasakit Team sa mga nasunugan sa Cebu City, Pasay City, Davao City, at Manila. Nagpaabot din tayo ng tulong sa mga naapektuhan ng pagguho ng lupa sa Cebu City.


Naghatid din ng tulong ang kanyang Malasakit Team sa mga nagtapos sa Call Center Academy sa Roxas City, Capiz, sa isang graduation ceremony na kaugnay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at isinagawa sa pakikipagtulungan sa Aboitiz Foundation.


Bilang Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa ating mga kababayan sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.




Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page