top of page

Vape hindi ligtas sa kalusugan, dapat nang tuldukan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 7, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Nakababahala ang patuloy na pagdami ng kabataang nahuhumaling sa vape habang parami rin nang parami ang ulat tungkol sa masamang epekto nito sa kalusugan. 


Sa gitna ng makukulay na disenyo at matatamis na lasa ng e-cigarettes, tila nagiging “normal” na lamang sa maraming kabataan ang paggamit nito, kahit malinaw na may kaakibat itong panganib sa katawan. 


Kaya para sa maraming mamamayan, makatuwiran lamang na seryosohin ng gobyerno ang paghihigpit laban sa vape bago pa lumala ang problema sa kalusugan ng publiko.


Isinusulong ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibilidad ng total ban sa vape o e-cigarettes bilang hakbang upang maprotektahan ang mamamayan laban sa epekto nito. 


Ayon sa isang opisyal ng ahensya, pangunahing layunin ng panukala na mabawasan at tuluyang mapigil ang paglaganap ng vaping, lalo na sa mga kabataan na madaling naaakit sa iba’t ibang lasa at istilo ng mga produktong ito.


Kung hindi man maipatupad ang ganap na pagbabawal, iminungkahi ng DOH ang mas mahigpit na regulasyon, kabilang ang pagtanggal ng flavored vape products na madalas targetin ang mas batang merkado.


Para sa ahensya, ang matatamis at mababangong variant ng vape ay nagiging dahilan upang magmukhang “ligtas” o “cool” ito sa paningin ng kabataan, kahit maaari itong magdulot ng seryosong komplikasyon sa kalusugan.


Matagal nang nagbabala ang DOH hinggil sa panganib ng vape at iba pang produktong may nicotine. Kabilang sa mga posibleng epekto nito ang cardiovascular disease, sakit sa baga, at maging cancer. Bagama’t may ilan pa ring naniniwalang mas “mild” ito kumpara sa sigarilyo, ipinapakita ng mga pag-aaral na hindi pa rin ligtas ang vaping, lalo na kung tuluy-tuloy ang paggamit nito sa murang edad.


Isa itong malaking usapin, dahil direktang apektado ang kalusugan ng bawat mamamayang kung hahayaan. Kapag dumami ang nagkakasakit dahil sa bisyong ito, hindi lang indibidwal ang nahihirapan kundi pati mga ospital at mismong sistemang pangkalusugan ng bansa.


Sa panahon na mataas na ang gastusin sa pagpapagamot, mas mahalagang paigtingin ang pag-iwas kaysa hintaying lumala ang sitwasyon.


Tama lamang na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang laban sa vape kung tunay na layunin ng pamahalaan na protektahan ang susunod na henerasyon. Hindi sapat na basta magbigay ng babala kung patuloy namang madaling nakakabili at naaabot ng kabataan ang mga produktong ito. Mas kailangan ngayon ang disiplina, malinaw na regulasyon, at mas agresibong kampanya upang hindi tuluyang maging normal ang vaping sa lipunan. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page