top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Patas na benepisyo sa mamimili at negosyo

Writer: BULGAR
BULGAR
18 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 19, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Grabe ang hirap ng maraming Pilipino sa pagharap sa tumataas na presyo ng mga bilihin at bayarin, lalo na ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) na umaasa sa diskuwento upang mapagaan ang kanilang gastusin. Kaya mahalagang mapanatili ang mga benepisyong ito, kasabay ng paghahanap ng patas na paraan upang hindi naman lubusang pasanin ng mga negosyo ang gastos sa pagbibigay ng mga mandatoryong diskuwento.


Isinusulong sa Senado ang panukalang batas na magbibigay ng direktang tax credit sa mga establisimyentong nagbibigay ng diskuwento sa mga senior citizen at PWD.


Layunin nitong amyendahan ang Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 at Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disability upang mabago ang paraan ng pagkilala sa gastos na dulot ng mga benepisyong ito.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 2494, o Tax Credit for Senior Citizens and Persons with Disability Discount Act, ituturing na tax credit ang mga mandatoryong diskuwento sa mga kuwalipikadong produkto at serbisyo, sa halip na tax deduction lamang. Sa ganitong sistema, maaaring direktang ibawas ng mga negosyo ang kinikilalang halaga ng diskuwento sa kanilang pambansang buwis na dapat bayaran.


Mahalaga ang pagbabagong ito dahil hindi pare-pareho ang kakayahan ng mga negosyo na sagutin ang mga gastusing dulot ng mga ipinag-uutos na benepisyo. Lalo itong dapat pagtuunan ng pansin sa micro, small and medium enterprises (MSMEs), na may limitadong puhunan at kailangang balansehin ang kanilang operasyon, pasahod sa mga manggagawa at iba pang bayarin.


Sa ilalim din ng panukala, maaaring dalhin sa mga susunod na taon ng pagbubuwis ang mga tax credit na nagmula sa diskuwento para sa senior citizen. Gayunman, pananatilihin ang kasalukuyang mekanismo ng tax deduction para sa minimum na limang porsiyentong diskuwento sa kuwalipikadong buwanang konsumo ng tubig at kuryente ng mga senior citizen.


Dapat suportahan ang mga hakbang na parehong kumikilala sa pangangailangan ng mamamayan at sa kakayahan ng mga negosyong nagbibigay ng serbisyo. Hindi dapat maging dahilan ang gastos upang humina o mawala ang mga benepisyong matagal nang inaasahan ng mga nakatatanda at PWD. Kasabay nito, kailangang tiyaking malinaw ang mga patakaran at may sapat na pangangasiwa upang maiwasan ang maling paggamit ng tax credits.


Hindi dapat mamili ang pamahalaan sa pagitan ng kapakanan ng mahihinang sektor at pagpapatuloy ng maliliit na negosyo. Pareho silang mahalaga sa ekonomiya at sa pang-araw-araw na buhay ng taumbayan.


Ang tunay na makatarungang sistema ay ‘yung napangangalagaan ang diskuwento ng mga nangangailangan habang binibigyan ng patas na mekanismo ang mga negosyong tumutupad sa batas. Kapag parehong napoprotektahan ang mamimili at negosyo, mas nagiging matatag ang serbisyong kailangan ng bawat Pilipino.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page