top of page
Search
  • BULGAR

Unang gold sa Olympics nakuha ng China; 3 header games sa PVL

ni MC / VA - @Sports | July 25, 2021




Naibulsa ni Yang Qian ng China ang unang gintong medalya sa Tokyo Olympics sa women's 10-meter air rifle. Tinalo ni Yang si Anastasiia Galashina nang sumablay ang Russian sa center two rings para sa 8.9 points sa kanyang final shot. Umiskor si Yang ng 9.8 sa kanyang final shot at nagtapos na may Olympic record na 251.8 habang si Galashina ay umiskor ng 251.1 para sa silver medal. Nakuha naman ni Nina Christen ng Switzerland ang bronze.


Samantala, mararanasan na rin ng koponan ng Perlas na lumaro bilang professionals makaraang mapigil sa unang linggo ng Premier Volleyball League Open Conference sa pagsabak nila ngayong hapon kontra Choco Mucho sa ikalawang linggo ng torneo sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte. Pinangungunahan nina Nicole Tiamzon, Cherry Nunag, Joy Doromal, Sue Roces, Jem Ferrer at Jellie Tempiatura, sabik nang sumalang sa aksiyon ang Spikers na sasagupain ang Flying Titans ganap na ika- 4:00 ng hapon.


Sa kabilang dako, hangad ng Choco Mucho ang ikatlong sunod nilang panalo makaraang gapiin ang Sta. Lucia noong Biyernes upang patuloy na makaagapay sa Creamline sa ibabaw ng standings. Sa kabila ng naitalang unang dalawang panalo, sinabi ni Choco Mucho coach Oliver Almadro na nasa "learning process" pa rin ang kanyang koponan.Ngunit batid nila ang halaga ng bawat laban dahil mahigpit na format na pinaiiral sa anim na linggong torneo kung saan 10 teams ang nag-aagawan sa top 4 para sa crossover semifinals. “Every game is a must-win. Every game we should be learning towards the next games,” ani Almadro.


Sa panig naman ng Perlas, umaasa silang hindi mapabagal ng pangangalawang ang kanilang performance dulot ng isang linggong pagkabalahaw. Samantala sa unang laro ng 1 p.m.,magtutuos ang mga koponang nasa ulo at buntot ng standings sa tapatang Creamline at PLDT Home Fibr.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page