- BULGAR
- Sep 27
ni MC @Sports | September 26, 2025

Photo: Ang Deftac Six Blades Jiu-jitsu kids matapos pagwagian ang overall championships sa Chiba, Japan. (deftacpix)
Malakas na ipinakita ng Filipino jiu jitsu artists ang kanilang kakayahan sa international scene nang magwagi ng 3 gold medals sa Sports Jiu-Jitsu International Federation (SJJIF) World Jiu Jitsu Championship 2025 at No-Gi Championship sa Chiba, Japan.
Namayani sina Joson Tessa at Jeon Dela Cruz sa hanay ng Pinoy athlete sa torneo, kung saan ang una ay naka-2 ginto at may isa ang huli.
Dinaig ni Tessa si Aina Fugisawa ng Evox BJJ sa ilang puntos para sa gold ng Gi Female Gray Kid 5 Light Feather. Sinundan pa niya sa Nogi Female Gray Kid 5 Light Feather nang daigin si Sawka Lilly ng Hi Grade Jiujitsu para sa twin-kill.
Ang double gold ni Tessa ay sinundan agad ni De La Cruz na tumalo kay Tomura Eishin ng Carpe Diem Yokohoma para sa ginto sa Gi Male Gray Kid 3 Rooster.
Bumida rin si Callum Roberts sa pinakamalaki niyang torneo sa Jiujitsu sa Asya nang manalo sa 3 kategorya na pinalakas pa ang Pinoy Jiu-jitsu.
Ginapi ni Roberts si Nakamura Goki ng Infight Japan sa bisa ng straight arm lock sa Gi Ultra Heavyweight Male Blue (Adults 18) class.
Ipinamalas ni Roberts ang giting sa mat nang gapiin si Nakahara Gustavo ng Carlos Toyota BJJ sa bisa ng Colla Choke sa Gi Open Weight Male Blue (Adults).
“We are thrilled to announce our monumental achievement as we emerged as the overall champions in both GI and NO GI categories at the largest Jiujitsu tournament ever held in Asia!,” ani Alvin Aguilar ng Deftac sa facebook post.
Overall champions ang Deftac-Six Blades Jiujitsu Kids Team sa 2025 ASJJF World Championships sa bisa ng 10 gold medals, 10 silvers at 13 bronze medals habang ang Impacto BJJ ay 2nd sa 10 golds, 5 silvers at 8 bronze medals.