ni VA - @Sports | February 25, 2021

Tatapusin na ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang kanilang naudlot na 2019-2020 Lakan season sa darating na Marso 1 - 15 sa Subic.
Ito ang ibinalita ng MPBL legal chief na si Atty. Brando Viernesto noong nakaraang Martes.
Ang pagbabalik aksiyon ng MPBL sa ilalim ng istriktong panuntunan ng Department of Health (DOH) ay ganap na naaprubahan sa pamamagitan ng nilagdaang Memorandum Circular No. 2021-0011 noong Pebrero 18 ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire at may basbas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF).
Samantala, inihayag naman ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes na papasok sila sa Subic bubble sa Linggo para sa na-postponed na Game 3 semifinal matches sa pagitan ng San Juan Knights at Makati City Skyscrappers sa Northern Division at ng Basilan Steels at Davao Occidental Tigers para naman sa Southern Division umpisa sa Lunes.
Ang dalawang koponang magwawagi sa mga nasabing tapatan ang siyang magtutuos sa best-of-five championship series.Idaraos ang lahat ng mga laro sa Subic Bay Metropolitan Authority gymnasium.