ni VA @Sports | August 25, 2024
Inaasahang muli na namang magiging mainit ang mangyayaring tapatan ng dalawang pangunahing collegiate leagues ng bansa na National Collegiate Athletic Association (NCAA) at University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na kapwa nagtakda ng kani-kanilang season openers sa darating na Setyembre 7, 2024.
Ipagdiriwang ng NCAA ang kanilang Centennial season na sisimulan nila sa Mall of Asia Arena habang magbubukas naman ng kanilang 87th Season ang UAAP sa Araneta Coliseum.
Unang nag-anunsiyo ng kanilang opening para sa susunod nilang season ang UAAP sa nakaraang closing ceremony ng Season 86. Sumunod naman ang NCAA makalipas ang isang buwan. Ang Lyceum of the Philippines University ang magsisilbing host ng Centennial o Season 100 ng NCAA habang ang University of the Philippines ang sa UAAP.
Inaasahan namang magkakaroon ng mga magagarbo, makukulay at engrandeng palabas ang dalawang liga para sa kani-kanilang opening rites.
Kaugnay nito, nagsimula na rin parehas ang dalawang liga ng iba't-ibang mga aktibidad upang i-promote ang darating nilang season.
Isa-isa ng nagdaos ng kanilang pep rally at pagpapakilala ng mga atletang kakatawan sa kanila sa iba't-ibang mga sports ang sampung member schools ng NCAA sa pangunguna ng reigning overall champion San Beda University na siya ring defending champion sa season opener event na men's basketball. Idinaos ng UAAP ang paglulunsad ng inaugural Esports tournament kung saan nagkampeon ang University of the East.