top of page

Unahin ang bayan bago ang bangayan sa pulitika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 9, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Isipin muna nila ang taumbayan bago magbangayan sa pulitika dahil habang abala ang magkabilang kampo sa palitan ng maaanghang na pahayag, mga ordinaryong Pinoy naman ang direktang naaapektuhan ng taas-presyo, kakulangan sa trabaho, at lumolobong utang ng bansa.


Sa gitna ng mainit na sigalot ng kampo nina Vice President Sara Duterte at Pangulong Bongbong Marcos Jr., mas lalong lumalabas ang pagkadismaya ng publiko dahil tila mas inuuna pa ang sagutan kaysa konkretong solusyon sa problema ng bayan.


Sa naging pahayag ni Duterte habang nasa Netherlands, iniuugnay niya sa umano’y kawalan ng pokus ng administrasyon ang patuloy na pagtaas ng utang ng bansa at problema sa unemployment. Binanggit niya na dapat nakatuon ang pamahalaan sa trabaho at hindi sa pakikipagsagutan sa mga kritiko at social media attacks.


Kasabay nito, inilabas ng Bureau of the Treasury (BTr) na umabot na sa P18.49 trillion ang utang ng Pilipinas, habang iniulat naman ng PSA na nasa 2.58 milyong Pinoy pa rin ang walang trabaho noong Marso 2026. Kahit bumaba nang bahagya ang bilang mula Pebrero, malinaw na marami pa ring pamilya ang hirap makabangon sa araw-araw na gastusin.


Hindi naman ito pinalampas ng Malacañang. Ayon sa isang opisyal, minana lamang ng kasalukuyang administrasyon ang malaking utang mula sa panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Iginiit din na normal para sa mga bansa ang mangutang upang pondohan ang mga programa at serbisyong kailangan ng mamamayan.


Idinagdag pa niya ang isyu ng Pharmally at umano’y mga maanomalyang proyekto sa Build, Build, Build bilang ilan sa dahilan ng paglobo ng utang noon.


Bukod sa ekonomiya, binatikos din ni Vice President Sara Duterte ang umano’y pagiging sensitibo ng ilang opisyal sa opinyon ng mamamayan at mga isyung may kinalaman sa kalayaan sa pagpapahayag. Sinabi rin niyang maraming personalidad at pulitiko ang ginagamit ang kanyang pangalan upang kumita o makakuha ng atensyon. Maging ang ilang opisyal ay hindi niya pinalampas matapos nitong magkomento tungkol sa 2028 elections.


Sa kabila ng maaanghang na salita, may isang puntong mahalagang pag-isipan ng gobyerno at oposisyon: sawa na ang publiko sa puro bangayan. Ang tunay na laban ngayon ay kung paano mapapababa ang presyo ng bilihin, makalilikha ng disenteng trabaho, at mapapaganda ang transportasyon, healthcare, agrikultura, at seguridad. Tama rin ang obserbasyon ni Duterte tungkol sa maayos na transport system sa Netherlands dahil malinaw na malaking tulong ito sa ekonomiya at galaw ng tao.


Hindi na sapat ang sisihan kung sino ang may kasalanan sa utang o kahirapan. Ang mas mahalaga ay kung sino ang may malinaw na plano para maramdaman ng taumbayan ang pagbabago. Habang patuloy ang politika, Pilipino pa rin ang naghihintay ng totoong aksyon at sana solusyon na lamang at hindi na puro ingay na wala namang saysay. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page