top of page
Pokwang.jpg

Mula ‘Pinas hanggang Hong Kong, kabanalan sa gitna ng kabisihan

Writer: BULGAR
BULGAR
10 hours ago
4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 18, 2026



Fr. Robert Reyes


Pista ni Santa Teresa ng Avila (1515-1582) noong nakaraang Huwebes. Panalangin, katahimikan, pagkakaibigan kay Hesus, sa Kanyang Ama at sa Espiritu Santo. Salamat sa limang araw ng paglisan sa karaniwang buhay sa parokya, sa Cubao, sa Pilipinas.


Punong-puno ang karaniwang araw natin ng mga gawain at sari-saring alalahanin. Kung hindi tayo lalayo at mananahimik, hindi magiging malinaw kung ano ang mahalaga at ano ang hindi. Basta’t binabalot, hinahatak, nilalamon at kadalasa’y binubulag tayo ng ating kabisihan. Hindi masama ang maging “busy.” Masama ang maging busy sa maraming bagay na hindi ganoon kahalaga at baka malinaw na pagwawaldas lamang ng oras, talino, salapi at pagkakataon. 


Lumilipas ang panahon. Mabilis at hindi napapansin tapos na, ubos na ang oras. Napakarami nang nangyari at hindi nangyari. Kay hirap nang ibalik ang oras na nawala at mga pagkakataong naaksaya. Dumaan na ang mga unang araw ng Oktubre.


Dumaan at natapos na ang mga pista ng tatlong mahahalagang santo: Santa Teresita ng Lisieux (Oktubre 1); San Francisco ng Assisi (Oktubre 4) at Santa Teresa ng Avila (Oktubre 15). Sa tatlong banal hindi basta-basta lumilipas ang oras.


Marahan, mapayapa, walang pagmamadali, ang bawat sandali ay hindi basta lumilipas na walang mahalagang nangyayari dahil ang bawat sandali ay mahalaga, mga ginto at dyamanteng kay gaganda, kay mamahal dahil punong-puno ng paghahanap, pagkilala, pagtanggap sa Espiritu ng Diyos na buhay. Hindi busy ang mga banal.


Hindi sila abala sa kung anu-anong walang halaga. Kay Santa Teresita, ang bawat maliliit na gawain ay ginagawang panalangin at pag-uunawa sa ating kaliitan sa harap ng Diyos.


Kay San Francisco, ang bawat makasalubong lalo na ang pinakamaliit na hindi pansin at madalas baliwalain at iniiwasan pa ng marami ang mismo na kanyang pinapansin dahil sa mga katulad nila makikita ang mukha ng Diyos.


Mula sa pinakamaliit na bulaklak; sa marahang haplos ng hangin sa balat; sa mga awit ng ibon na galing kung saan-saan; hanggang sa pinangdidirihan at iniiwasang ketongin ng Assisi, ang kakaibang mata ng Santo ay mulat na mulat na humahanga at sumasamba sa mukha ng Diyos na ngumingiti sa mga mukhang binabalewala ng madla.


At si Santa Teresa naman ay nagturo tungkol sa panalangin bilang malalim na pagkakaibigan sa Diyos; ang mapagbagong pakikiisa kay Kristo tungo sa pagkilala sa tunay na sarili; kababaang loob at pananatili sa harap ng Diyos sa gitna ng anumang alalahanin o gawain.


Lumilipas ang mga pagkakataon. Ano ba ang hinahanap at hinahabol ng daigdig na ipinipilit sa ating lahat.


Tuluy-tuloy ang pakikibaka ng mga taga-Pakil, Laguna sa pamumuno ni Aba Lluch Dalena laban sa nagsimula nang pagwasak sa bundok ng Pakil ng nagsanib puwersa ng isang dambuhalang korporasyon at ng mga matatakaw na pulitiko.


Walang inaaksayang panahon si Aba sa paglaban sa dalawang puwersa na nilalamon ang mahalagang pangatlong puwersa ng mga taumbayan na inaalok ng kung anu-anong panandaliang pakinabang matuloy lang ang paggawa ng dambuhalang dam sa bundok ng Pakil.


Madalas din tayong paki-usapan ni Aba na suportahan ang mga taga-Pakil sa kanilang laban. Kung may panahon tayo, hindi tayo magdadalawang isip na sumuporta. Kay dami nang lumipas na pagkakataon sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ipagtanggol ang kalikasan na sistematikong nilalamon at nilalapastangan ng mga ganid na korporasyon kasama ang mga ganid na pulitiko.


Dahil sa dami ng kanilang salapi na siyempre nais pa nilang paramihin, aambunan nila ng salapi ang mga nagugutom na taumbayan na kanila na ring sinanay sa “Kultura ng ayuda.” Walang sinasayang na panahon at pagkakataon ang mga banal. Lahat ng panahon ay para sa paghahanap, pakikiisa, pagsamba sa Diyos na buhay. Dahil dito, walang inaaksayang pagkakataon sa mga walang kuwenta at hindi mahalagang gawain.


Lumilipas ang buhay, lumilipas ang lahat. Ngunit nananatili ang pinakamahalaga. Nauubos ang oras, umiikli ang pisi ng bawat isa. Sayang kung sa dulo ng buhay hindi natin natuklasan ang pinakamahalaga.


Mabilis maglakad ang mga taga-Hong Kong. Meron ba silang hinahabol? Ano? Medyo hindi tayo singbilis ng mga taga-Hong Kong. Kapansin-pansin din na hindi ganoon karami ang mga sasakyan. Kakaunti lang ang mga motorsiklo.


Bakit? Ang husay at sistematiko ang kanilang imprastraktura ng transportasyon. Sa ibabaw at sa ilalim ng Hong Kong ay sapat at mahusay ang serbisyo ng mga Tram; Double deck buses; mga taksi at ang MTR (Tren) sa ilalim ng kalye. Buong Hong Kong sakop na sa ilalim ng isang malawak at sistematikong imprastraktura ng transportasyon.


Bakit ka pa magkokotse, hindi naman kailangan dahil hindi inaksaya ng pamahalaan ang panahon, pera at pagkakataon na gawin, palawakin at patatagin ang imprastraktura ng transportasyon. Humahabol tayo sa ‘Pinas sa lahat ng mga bansa dito sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asia) na napag-iwanan na tayo ng halos limampung taon na.


Naiwanan tayo ng halos lahat ng mga bansa dito sa Timog-Silangang Asya. Bakit? Paano? Inuna kasi nila ang pinakamahalaga at kailangang idagdag, pinarusahan at kinulong ang mga magnanakaw. Humahabol tayo ngayon sa gitna ng paglipas ng panahon, pagkakataon at buhay mismo.


Patapos na ang taon, patapos na ang impeachment hearing sa Senado. Nagsisikap ang marami sa pagsasalita, paglaban at pagbago sa korupsiyon ng bulok na pulitika na pinalalala ng kultura ng ayuda na ginagamit ang mahina at korap na sistema ng katarungan.


May nangyayaring banal na hindi natin marahil pansin. Tulad ng panalangin nina Santa Teresita; San Francisco at Santa Teresa, hindi nila inaaksaya ang panahon, pagkakataon at ang mismong buhay na kaloob ng Diyos. Nakatutok, nakatuon ang lahat sa pagharap sa pinakamahalaga at ito ang paghahanap sa katotohanan bilang batayan ng katarungan at pagbabago. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page