top of page

Tulong medikal laban sa mga sakit ngayong tag-init, tiyakin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 20, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kahit papaano ay may masasandalan ang taumbayan sa tindi ng init ngayong panahon, dahil muling pinaalalahanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang publiko na may nakalaan itong benepisyo para sa mga sakit na dulot ng matinding sikat ng araw. 


Sa gitna ng taas-presyo at hirap ng buhay, malaking ginhawang marinig na may ayuda sa oras ng pagkakasakit, lalo na para sa mga pamilyang kapos at walang ipon para sa biglaang pagpapagamot.


Kaya naman, naglabas ng paalala ang PhilHealth na maaaring magamit ng mga miyembro nito ang iba’t ibang benefit package para sa common summer at heat-related illnesses sa mga accredited hospital sa buong bansa. Layunin nitong mabawasan ang direktang gastos ng mga pasyente at mapagaan ang pasanin sa panahon ng tag-init.


Kabilang sa maaaring ma-avail ang P12,675 package para sa heat stroke, heat exhaustion, heat collapse, heat cramp at sunstroke. Para naman sa heat fatigue at iba pang epekto ng sobrang init at liwanag, may nakalaang P18,135. Samantala, para sa katamtaman hanggang malubhang dehydration, maaaring umabot sa P7,800 ang tulong.


Hindi lang init ng panahon ang tinutugunan ng PhilHealth. Sakop din ng benepisyo ang ilang karaniwang sakit tuwing tag-init gaya ng chickenpox na walang komplikasyon na may P7,800 package, typhoid fever na P19,500, sore eyes o conjunctivitis na P16,575, at infectious diarrhea o acute gastroenteritis na may P11,700.


May tulong din para sa mga kaso ng toxic effects mula sa kontak sa ilang lamang-dagat gaya ng jellyfish, sea anemone, shellfish at starfish na may package na P11,115. Bukod dito, maaaring gamitin ang Outpatient Emergency Care Benefit Package para sa agarang pangangailangang medikal sa mga accredited Level 1 hanggang Level 3 hospitals.


Ayon sa isang opisyal, handa ang Philhealth na protektahan ang bawat Pinoy sa pamamagitan ng pagtiyak na available ang mga benepisyo saan mang lugar at anumang panahon.


Sa ganang akin, magandang pakinggan ang mga ganitong klaseng benepisyo, pero mas mahalaga ang mabilis at maayos na serbisyo sa ospital. Walang saysay ang benepisyo kung hirap naman ang miyembro sa proseso, kulang sa impormasyon, o pinapabalik-balik bago mapakinabangan ang tulong.


Ipinapakita ng sitwasyong ito na ang klima ay hindi na basta usaping panahon lamang kundi usaping kabuhayan at kalusugan na rin. Habang umiinit ang paligid, umiigting din ang pangangailangan ng mamamayan sa maayos na serbisyong medikal.


Tama lang na paigtingin pa ng gobyerno ang impormasyon tungkol sa ganitong ayuda. Hindi sapat na may pondo kung hindi alam ng tao kung paano ito gagamitin. Sa panahong bawat piso ay mahalaga, ang benepisyong madaling makuha ay tunay na malasakit sa bayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page