Trabaho o bitag? OFWs, mag-ingat sa pekeng recruitment
- BULGAR

- Jun 22
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 22, 2026

Ang pagkakasagip sa 78 overseas Filipino worker (OFW) applicants sa isang hindi rehistradong accommodation facility sa Makati ay muling nagpapakita na nananatiling malaking banta ang ilegal at mapanlinlang na recruitment sa mga kababayan nating naghahanap ng mas magandang kinabukasan.
Sa isinagawang operasyon ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Barangay Palanan, Makati City, natagpuan ang 78 aplikanteng OFW na pansamantalang naninirahan sa isang pasilidad na walang kaukulang clearance permit mula sa ahensya. Lumabas sa imbestigasyon na ang mga aplikante ay inire-recruit ng isang corporate company para sa mga trabahong domestic worker sa ilang bansa sa Asya at Gitnang Silangan.
Ayon sa beripikasyon ng DMW, hindi rehistrado ang naturang pasilidad at nabigong sumunod sa itinakdang pamantayan para sa maayos na panunuluyan ng mga aplikante. Kabilang sa mga natukoy na problema ang kakulangan sa espasyo, mahinang bentilasyon, at mga kondisyon na maaaring maglagay sa panganib sa kaligtasan at kalusugan ng mga naninirahan dito.
Matapos ang rescue operation, agad na nakipag-ugnayan ang DMW sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang mabigyan ng kinakailangang tulong ang mga nasagip na aplikante. Kabilang dito ang pansamantalang matutuluyan at pinansyal na ayuda habang inaasikaso ang kanilang kalagayan. Naging katuwang din sa operasyon ang pamahalaang lungsod ng Makati upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng pagliligtas at pag-aasikaso sa mga apektadong manggagawa.
Hindi lamang ito simpleng usapin ng paglabag sa mga regulasyon. Isa itong paalala kung gaano kadaling malagay sa alanganin ang mga manggagawang desperadong makahanap ng oportunidad sa ibang bansa. Habang patuloy na dumarami ang naghahangad ng trabaho sa ibayong dagat dahil sa kahirapan at kakulangan ng oportunidad sa loob ng bansa, mas nagiging mahalaga ang mahigpit na pagbabantay laban sa mga mapagsamantalang gawain.
Ang insidenteng ito ay malinaw na patunay na hindi sapat ang pangako ng trabaho kung nakompromiso naman ang kaligtasan at kapakanan ng mga aplikante. Dapat maging mas maagap ang mga otoridad sa pagtukoy sa mga kahina-hinalang operasyon, habang nararapat ding maging mas mapanuri ang publiko bago makipagtransaksyon sa mga recruitment agency.
Ang pangarap ng mga Pilipinong makaahon sa buhay ay hindi dapat nauuwi sa panganib, panlilinlang, o pag-abuso. Ang proteksiyon sa mga OFW ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi tungkulin din ng buong lipunan upang matiyak na ang paghahanap ng mas magandang kinabukasan ay nagsisimula sa ligtas at makatarungang proseso.





Comments