top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

May pananagutan ba ang boksingero ‘pag namatay ang kalaban?

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 9, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mahilig po akong manood ng propesyonal na boxing. Nais ko lamang pong malaman kung sakaling ang isang propesyonal na boksingero ay malubhang masugatan o mamatay matapos tamaan ng kanyang kalaban sa isang opisyal na laban, awtomatiko po bang mananagot ang boksingerong nakasuntok sa kanya? — Orsted





Dear Orsted, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating mga batas, sa mga patakaran ng Games and Amusements Board (GAB), at sa kaugnay na mga desisyon ng Korte Suprema.


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Article 40 ng Amended Manual Governing Professional Boxing in the Philippines, na inaprubahan sa ilalim ng GAB Resolution No. 2019-15, Series of 2019, ang patakaran sa kaso ng pagkamatay o malubhang pagkakasugat ng isang propesyonal na boksingero. Kaugnay nito, nakasaad: 


“ARTICLE 40. INVESTIGATION IN CASE OF DEATH OR SERIOUS INJURY (As amended on December 10, 1976)


In case of death or serious injury to a boxer, the Board shall immediately order an investigation to determine whether the death or serious injury resulted from the negligence, incompetence or malice of any person, or from circumstance not reasonably within the control of anyone. The Board shall proceed against the guilty party, if any is found after due hearing, in accordance with applicable laws and rules and regulations.”


Samakatuwid, sa kaso ng pagkamatay o malubhang pagkakasugat ng isang propesyonal na boksingero, inaatasan mismo ng nasabing patakaran ang GAB na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung ito ay bunga ng kapabayaan, kawalan ng kakayahan o masamang hangarin ng sinumang tao, o ng pangyayaring wala sa makatwirang kontrol ng sinuman.


Kaugnay nito, sa kasong Romulo Abrogar and Erlinda Abrogar vs. Cosmos Bottling Company and Intergames, Inc., G.R. No. 164749, March 15, 2017, sa panulat ni Honorable Chief Justice Lucas P. Bersamin, tinalakay ng Korte Suprema ang pananagutan na nagmumula sa kapabayaan at ang kaugnayan nito sa pinsalang naganap ukol sa pagkamatay ng isang kalahok sa isang marathon. Ayon sa Korte Suprema:


“[T]here must be not only proof of damage and negligence, but also proof that the damage was the consequence of the negligence.”


Tinalakay rin sa kasong Abrogar (na nabanggit sa itaas), ang doctrine of assumption of risk. Ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang nasabing doktrina ay nakabatay sa kusang pagtanggap ng isang tao sa isang panganib na alam at nauunawaan niya. Bilang depensa sa kaso ng kapabayaan, sinabi ng Korte Suprema na:



“[P]laintiff must know that the risk is present; (2) he must further understand its nature; and (3) his choice to incur it must be free and voluntary. Knowledge of the risk is the watchword of assumption of risk.”


Ang pagkamatay o malubhang pagkakasugat ng isang propesyonal na boksingero ay hindi, sa sarili lamang nito, nangangahulugang awtomatikong mananagot ang kaniyang kalaban. Alinsunod sa Article 40 ng nabanggit na GAB rules, kinakailangan munang matukoy kung ang pagkamatay o pinsala ay bunga ng kapabayaan, kawalan ng kakayahan o masamang hangarin ng sinumang tao, o ng pangyayaring wala sa makatwirang kontrol ng sinuman.

 

Kaugnay nito, maaari ring gamitin ang doktrina sa kaso pa rin ng Abrogar. Kinakailangan na may ugnayan ng sanhi at bunga sa pagitan ng sinasabing kapabayaan at ng pinsalang naganap upang magkaroon ng pananagutan batay rito. Maaari ring maging mahalaga, depende sa mga pangyayari, kung ang panganib na nagdulot ng pinsala ay isang panganib na alam, nauunawaan, at kusang hinarap ng kalahok.       


Samakatuwid, ang pananagutan sa ganitong sitwasyon ay hindi nakabatay lamang sa katotohanang may nasugatan o namatay sa laban, kundi sa mga partikular na pangyayari at sa sanhi ng naturang pinsala o pagkamatay.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page