top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Rural health units, brgy. health stations, dapat handa rin vs. El Niño

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 9, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Habang patuloy na tumitindi ang El Niño, kailangan nating paghandaan hindi lamang ang kakulangan sa ulan at tubig kundi pati ang epekto nito sa kalusugan ng ating mga kababayan.


Nagbabala na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring maging "very strong" ang kasalukuyang El Niño pagsapit ng huling bahagi ng 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027. Malaki ang posibilidad na makararanas ang ilang bahagi ng bansa ng mas kaunting pag-ulan, tagtuyot at mas mainit na panahon.


Kaya hinihikayat ko ang Department of Health (DOH), mga local government units (LGUs), at ating mga health facilities na mas paigtingin pa ang paghahanda habang maaga.


Kapag sobrang init ng panahon, tumataas ang panganib ng dehydration, heat cramps, heat exhaustion at heat stroke. Kapag naman nagkukulang ang malinis na tubig, maaari ring magkaroon ng problema sa sanitation at dumami ang kaso ng waterborne at vector-borne diseases.


Mas kailangang bantayan ang ating mga senior citizen, mga bata, outdoor workers, mahihirap na pamilya, at mga kababayan nating immunocompromised. Dahil dito, importanteng laging handa ang mga health centers sa barangay level. Kailangang may tubig, gamot, at nurse o health worker na puwedeng lapitan.


Ito ang dahilan kung bakit bilang isang health reforms crusader, patuloy kong isinusulong na mailapit natin ang serbisyong medikal sa mga komunidad. Sa ganitong panahon, mahalaga ang malakas na primary care dahil maraming karamdaman ang maaaring maagapan bago pa lumala at mangailangan ng ospital.


Isinulong natin na magkaroon ng Super Health Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Layunin ng mga pasilidad na ito na magbigay ng primary care, konsultasyon, laboratory at diagnostic services, at early disease detection na mas malapit sa ating mga kababayan. Patuloy ang ating panawagan sa DOH at LGUs na magtulungan at mag-complement sa isa’t isa para hindi maging "white elephant" ang mga proyektong ito.


Para naman sa mga pasyenteng nangangailangan ng mas mataas na antas ng gamutan, principally sponsored ko at isa rin ako sa mga may-akda ng Republic Act No. 11959 o Regional Specialty Centers Act. Sa ilalim ng batas, itinatatag ang mga specialty center sa mga regional hospital ng DOH upang mailapit ang specialized medical services sa mga Pilipinong nasa labas ng Metro Manila.


Ako rin ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019. Sa pamamagitan ng Malasakit Centers, pinagsasama sa iisang opisina ang mga ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng medical assistance para mas madaling makahingi ng tulong ang mahihirap at indigent patients. 


Sa panahon ng matinding El Niño, hindi lamang malalaking ospital ang kailangang maging handa. Mahalaga ang rural health units, barangay health stations, Super Health Centers at iba pang pasilidad na unang nilalapitan ng ating mga kababayan kapag sila ay nakakaramdam ng sakit.


Unahin natin ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga kababayan. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.


Samantala, bilang parte ng pagtulong sa mga kababayan natin, nagbigay tayo ng tulong sa mga iskolar sa Dagupan City, Pangasinan. Namahagi rin tayo ng tulong sa mga nasunugan sa Barangay Mambaling, Cebu City. 


Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung anuman ang kabutihan na puwede nating gawin sa ating kapwa, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik pa sa mundong ito.


Bilang Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.




Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page