top of page

Tax ng mga manggagawa, bawasan na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 10, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Awa na lang sana ang manaig sa gitna ng sunud-sunod na taas-presyo ng mga bilihin at pag-unawa sana para sa maraming Pilipino na halos kapusin sa araw-araw kahit na mayroong pagkakakitaan.


Sa panahon na patuloy na tumitindi ang epekto ng krisis sa langis sa Middle East at pagmahal ng pangunahing bilihin, malaking ginhawa para sa ordinaryong manggagawa ang panukalang bawasan ang income tax ng low-income at middle-class earners. Dahil sa kadahilanang hindi na sumasapat ang kasalukuyang sahod upang makasabay sa gastos ng pagkain, pamasahe, upa, at iba pang pangunahing pangangailangan kaya natural lamang na suportahan ng publiko ang hakbang na magpapalaki sa kanilang take-home pay.


Suportado ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) ang mga panukalang magbibigay ng tax relief sa mga Pilnoy. Ayon sa isang opisyal ng ahensya, makakatulong ang bawas-buwis upang lumakas ang purchasing power ng mga manggagawa at magkaroon sila ng dagdag na perang magagamit sa araw-araw.


Kabilang sa mga isinusulong na pagbabago ang pagtaas ng income tax exemption mula P250,000 hanggang P400,000 at pag-angat ng tax-free bonuses mula P90,000 hanggang P150,000 sa ilalim ng Senate Bill 56.


Hindi lang ito simpleng usapin ng buwis kundi direktang tulong sa pamumuhay ng mga manggagawa. Ang dagdag na perang matitipid buwan-buwan ay maaaring mapunta sa pagkain, edukasyon ng mga anak, bayarin sa bahay, at maging emergency savings. 

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin, mahalaga ang anumang hakbang na magbibigay ng kaunting ginhawa sa mga manggagawang matagal nang naiipit sa mataas na gastusin.


Gayunpaman, ipinaalala rin ng opisyal na kailangang pag-isipang mabuti kung saan kukuha ng pondo ang gobyerno kapag lumiit ang koleksyon ng buwis. Posibleng maapektuhan ang badyet para sa mga pampublikong paaralan, ospital, imprastruktura, at iba pang serbisyong direktang pinakikinabangan ng mamamayan kung walang kapalit na pagkukunan ng kita. Dahil dito, binigyang-diin ng ahensya na mahalagang magkaroon muna ng alternatibong revenue sources bago ipatupad ang malawakang tax cuts.


Sa ganang akin, tulungan sana ang mamamayan habang pinananatili namang matatag ang pondo para sa serbisyong publiko. Totoong mahalaga ang bawas buwis lalo na sa mga manggagawang hirap nang sumabay sa taas ng presyo, ngunit dapat ding tiyakin na hindi mababawasan ang kalidad ng edukasyon, kalusugan, at iba pang programang kailangan ng taumbayan.


Mas magiging makabuluhan lamang ang anumang tax reform kung tunay nitong mapapabuti ang buhay ng ordinaryong Pilipino nang hindi isinasakripisyo ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
Kim Domingo - Instagram.jpg
bottom of page