Tamang impormasyon sa dengue, ikalat

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 14, 2026

Nakakabahala ang patuloy na pagdami ng mga kaso ng dengue sa bansa dahil kalusugan at buhay ng mga ordinaryong Pilipino ang nakataya.
Sa bawat naitatalang pasyente, may pamilyang nag-aalala, gumagastos para sa pagpapagamot at umaasang magiging ligtas ang kanilang mahal sa buhay. Hindi dapat balewalain ang sakit na ito, lalo na ngayong mahigit 500 kaso na ang naitala sa isang ospital sa Maynila.
Batay sa datos, umabot na sa 512 ang mga pasyenteng na-admit sa San Lazaro Hospital hanggang Oktubre 6 dahil sa dengue. Samantala, iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ang buong bansa ng 180,770 kaso hanggang Setyembre 30.
Malinaw na hindi lamang ito problema ng mga ospital kundi isang seryosong usaping pangkalusugan na nangangailangan ng sama-samang pagkilos.
Ang dengue ay isang acute viral infection na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus na may dalang virus. Kadalasang naaapektuhan nito ang mga bata at sanggol, kaya lalong mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang at tagapag-alaga.
Hindi sapat na umasa lamang sa mga ospital kapag lumala na ang kondisyon ng isang pasyente. Mas mahalagang mapigilan ang pagkalat ng sakit bago pa dumami ang magkakasakit. Kabilang sa mga dapat gawin ang paggamit ng mosquito repellent, pagtatapon ng mga naipong tubig at regular na paglilinis sa loob at paligid ng bahay upang hindi pamugaran ng lamok.
Dapat ding maging aktibo ang mga barangay sa paglilinis ng mga kanal, bakanteng lote at iba pang lugar na maaaring pamahayan ng mga lamok. Hindi rin dapat isantabi ang mga paaralan at pampublikong lugar, dahil maaaring malantad sa kagat ng lamok ang mga bata at iba pang mamamayan habang nag-aaral, nagtatrabaho o naglalakad.
Mahalaga rin ang tuluy-tuloy na pagpapakalat ng tamang impormasyon tungkol sa dengue. Kailangang malaman ng mga pamilya ang mga paraan ng pag-iwas at ang kahalagahan ng maagap na pagpapatingin kapag may mga sintomas na pinaghihinalaang dengue. Ang maagang pagkilala sa sakit at wastong pangangalagang medikal ay makatutulong upang maiwasan ang mga komplikasyon.
Ang dengue prevention ay hindi lamang responsibilidad ng bawat tahanan kundi ng buong komunidad at pamahalaan. Kailangan ang disiplina sa pagtatapon ng basura, regular na paglilinis at mabilis na pagtugon sa mga lugar na pinamumugaran ng lamok.
Hindi dapat hintaying mapuno ang mga ospital bago kumilos. Ang tunay na pagprotekta sa taumbayan ay nagsisimula sa pag-iwas sa sakit, maayos na serbisyong pangkalusugan at sama-samang pagkilos.
Sa laban kontra-dengue, bawat bakuran na nalilinis at bawat naaalis na pinamumugaran ng lamok ay mahalagang hakbang upang mapanatiling ligtas ang mga pamilya.





Comments