top of page
SPECIAL ARTICLE - JOSHUA, BINURA ANG MGA POST NA MAKA-VP SARA, IN-UNFOLLOW DIN SA IG PATI

Taas-sahod, tiyaking ‘di mauuwi sa pagkawala ng trabaho

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Leonida Sison @Boses | July 22, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Ibigay ang nararapat na sahod sa mga manggagawang araw-araw na nagsisikap upang maitawid ang kanilang pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa panahon na halos bawat pangunahing pangangailangan ay patuloy na nagmamahal, hindi maikakailang malaking ginhawa ang anumang dagdag sa kita. 


Gayunman, kasabay ng pagnanais na mapagaan ang buhay ng mga empleyado ay ang pangamba ng ilang sektor na baka mauwi rin ito sa panibagong pagtaas ng presyo ng mga produkto at pagkawala ng trabaho. Kaya mahalagang matiyak na ang bawat desisyon ay tunay na makikinabang ang taumbayan at hindi magdudulot ng panibagong pasanin.


Ngunit sa kabila nito, nanawagan ang Foundation for Economic Freedom (FEF) sa pamahalaan na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng P85 arawang minimum wage increase sa Metro Manila habang nire-review ang magiging epekto nito sa ekonomiya.


Ayon sa grupo, bagama’t layunin ng wage hike na makatulong sa mga manggagawa, maaari itong magdulot ng hindi inaasahang epekto, kabilang ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pagbabawas ng oras ng trabaho, at posibleng pagtanggal ng mga empleyado.


Ipinaliwanag ng FEF na ang P85 na dagdag-sahod ay mas mataas umano kaysa sa kasalukuyang paglago ng produktibidad at inflation. Dahil dito, maaaring ipasa ng mga negosyo ang dagdag na gastusin sa mga mamimili sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto at serbisyo. Pinangangambahan din ng grupo na higit na maaapektuhan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), na bumubuo sa malaking bahagi ng mga negosyo sa bansa. Anila, marami sa mga ito ang nahaharap na sa mababang demand, mataas na gastusin sa operasyon, at epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.


Ayon pa sa grupo, kung mapipilitang akuin ng maliliit na negosyo ang biglaang pagtaas ng labor cost, maaari itong humantong sa pagbabawas ng manggagawa, pagbawas ng oras ng operasyon, o tuluyang pagsasara ng ilang establisimyento. Nagbabala rin ang grupo na maaaring mabawasan ang interes ng mga mamumuhunan sa mga labor-intensive industries at magkaroon ng negatibong epekto sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya.


Sa kabila ng panawagang ito, nilinaw ng Malacañang na tuloy ang pagpapatupad ng wage hike. Ayon sa Palasyo, wala umanong utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ang wage increase. Sinabi rin na walang natatanggap na impormasyon ang palasyo na may mga pribadong sektor na opisyal na humihiling na ipagpaliban ang implementasyon nito. Nakatakdang magsimula ang unang yugto ng umento sa Hulyo 25, kung saan madaragdagan ng P60 ang arawang sahod ng minimum wage earners sa Metro Manila bilang unang bahagi ng kabuuang P85 wage increase.


Mahalagang kilalanin ang pangamba ng mga negosyong maaaring maapektuhan ng dagdag na gastos, lalo na ang maliliit na negosyo. Gayunpaman, hindi rin maaaring ipagkait sa mga manggagawa ang matagal na nilang hinihintay na dagdag-sahod habang patuloy na tumataas ang halaga ng pamumuhay. Ang hamon ay kung paano mababalanse ng pamahalaan ang kapakanan ng mga employer at empleyado nang hindi isinasakripisyo ang alinmang panig.


Ang isang wage increase ay magiging makabuluhan lamang kung hindi ito mauuwi sa mas mataas na presyo ng mga bilihin o pagkawala ng kabuhayan. Nararapat samahan ito ng mga programang susuporta sa mga negosyo, mahigpit na pagbabantay laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo, at mga hakbang na magpapalakas sa ekonomiya. Sa ganitong paraan, ang dagdag na sahod ay tunay na mararamdaman ng mga manggagawa at magiging bahagi ng mas inklusibong pag-unlad na pakikinabangan ng buong sambayanan. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page