Kulang na nga ang aklat, babawasan pa ang pondo?

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 22, 2026

Noong nakaraang Agosto, iniulat ng Department of Education (DepEd) na nakumpleto na nito ang procurement o proseso ng pagbili ng 105 target textbook titles para sa elementary at secondary schools.
Natapos na rin ang bid opening stage para sa mga textbook at teacher’s manual sa mga core subject ng Senior High School.
Inaasahang makukumpleto ang distribusyon ng mga aklat sa Disyembre 2026.
Ginamit ng DepEd ang mga pondong inilaan sa ilalim ng mga national budget para sa fiscal years 2024, 2025, at 2026 upang maisakatuparan ang procurement ng mga textbook.
Matatandaang noong nanungkulan ang inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak nating magkakaroon ng sapat na pondo sa ilalim ng 2026 national budget upang patuloy na matugunan ang kakulangan ng mga aklat sa ating mga paaralan.
Sa ilalim ng pambansang budget ngayong taon, P19.5 bilyon ang inilaan natin para sa produksyon ng mga textbook at iba pang learning materials.
Mahalagang hakbang ito upang makamit ang ating layuning 1:1 textbook-to-learner ratio, kung saan magkakaroon ng sariling kopya ng mga kinakailangang textbook ang bawat mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Ngunit kung ating babalikan ang 2027 National Expenditure Program (NEP), P6.472 bilyon lamang ang nakalaan para sa mga textbook at iba pang instructional materials, mas mababa sa P19.5 bilyong inilaan para sa produksyon ng mga textbook at learning materials ngayong taon.
Humihiling naman ang DepEd ng karagdagang P9.43 bilyon para sa mga textbook at iba pang instructional materials. Kabilang dito ang P5.58 bilyon para sa mga workbook ng mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 10 at P3.85 bilyon para sa mga storybook at bag.
Sa pagtalakay natin sa 2027 national budget, patuloy nating isusulong ang pagkakaroon ng sapat na pondo upang mabigyan ng kumpletong mga aklat ang ating mga mag-aaral. Mahalagang tutukan natin ito lalo na at may kaugnayan ang pagkakaroon ng sapat na aklat sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa reading at mathematics.
Ayon sa resulta ng 2024 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), 52% ng mga Grade 5 learners sa Pilipinas ang may sariling reading textbook, habang 42% ang kailangang makibahagi sa paggamit ng reading textbook sa isa o higit pang mag-aaral.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na 27% lamang ng mga Grade 5 learners sa Pilipinas ang nakaabot sa minimum proficiency level sa reading, habang 14% ang nakamit ang pinakamataas na proficiency level.
Pangunahing pangangailangan ng ating mga mag-aaral ang mga aklat. Sa pagsugpo natin sa krisis sa edukasyon, titiyakin nating wala nang batang mapag-iiwanan dahil sa kakulangan ng mga textbook at iba pang learning materials.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments