Jonvic, todo-yabang, alam daw ang taguan ni Bato, ayaw naman hulihin, weak!!!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 22, 2026

HINDI LANG PALA ANG PRESIDENTE ANG 'WEAK,' KUNDI PATI ANG ITINALAGA NIYANG DILG SEC. 'WEAK' DIN PALA — Sablay ang pabida ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla patungkol kay Sen. Ronald Dela Rosa na may kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Ibinida kasi ni Sec. Remulla na alam na raw nila ang pinagtataguan ni Sen. Dela Rosa sa Mindanao, pero hindi raw nila magawang dakpin ito kasi maraming armado raw na nagbabantay sa senador, idinadaan na lang daw nila sa pakiusap sa mga armed men na mapayapa itong isuko sa gobyerno.
Sana hindi na lang ibinida ni Sec. Remulla ang isyu tungkol kay Sen. Dela Rosa kasi nang sabihin niyang hindi nila magawang hulihin ang senador dahil sa rami ng mga armadong nagbabantay dito, ay na-bash siya nang todo sa social media kasi lumalabas na kung "weak" ang presidente, "weak" din pala ang DILG sec, boom!
XXX
MATAGAL NA PA LANG RUMARAKET SA FLOOD CONTROL PROJECTS SINA ROMUALDEZ AT ZALDY CO — Sa testimonya ni former Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Engr. Henry Alcantara sa Sandiganbayan ay kanyang sinabi na noong majority flood leader pa lang si Leyte 1st Dist. Rep. Martin Romualdez ay 20% na kickback sa mga flood control projects ang hinihingi ng noo'y Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, at nang maging speaker na ito, ay tumaas na ang hinihinging kickback ni Zaldy Co, pumalo na ito sa 25%.
Ibig sabihin niyan ay matagal na pa lang rumaraket sa flood control projects sina Cong. Romualdez at Zaldy Co, mga pwe!
XXX
KUNG SINUNOD LANG NI VP SARA ANG NAIS NG KANYANG AMA NA 'SARA-BONG GO' TANDEM NOONG 2022 ELECTION HINDI NA SANA NAKULONG SA ICC-JAIL SI FPRRD, HINDI RIN SANA NAKAKARANAS ANG VP NG MATINDING PAMUMULITIKA NG MARCOS ADMIN — Bago ang filing ng candidacy noong 2022 presidential election ay kinakitaan na ng noo'y President Rodrigo Roa Duterte na "weak leader" ang noo'y presidential aspirant, former Sen. Bongbong Marcos kung kaya't hinikayat niya ang kanyang anak na noo'y Davao City Mayor Sara Duterte na kumandidato sa pagka-presidente at ang gawing katandem para naman sa pagka-vice president ay si Sen. Bong Go para nga raw maipagpatuloy ang "Tapang at Malasakit" na pamamahala sa bansa, pero tinanggihan niya (Sara) ang nais mangyari ng kanyang ama dahil nakapagpasya na siya na tatakbo bilang vice president ni BBM.
Kung sinunod lang sana noon ni VP Sara ang nais mangyari ng kanyang ama ay silang dalawa sana ni Sen. Bong Go ang namumuno sa bansa, hindi sana naikulong sa ICC jail si former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) at hindi rin sana siya nakakaranas ng matinding pamumulitika sa Marcos administration, tsk!
XXX
KUNG ANO GUSTO NI FPRRD, SIYANG GUSTO RIN NG TAUMBAYAN AT ITO ANG ’'SARA-BONG GO TAPANG AT MALASAKIT’ TANDEM SA 2028 ELECTION — Gayunman, hindi pa naman huli ang lahat, kung hindi siya mai-impeach ay maaaring sundin na ni VP Sara ang nais mangyari ng kanyang ama na ituloy ang "Tapang at Malasakit" na pamamahala sa pamamagitan ng pagkuha niya kay Sen. Bong Go bilang kanyang vice president.
Sa totoo lang kasi, ang gusto ni FPRRD na mangyari noon na "Sara-Bong Go" tandem ay siya rin ang gusto ngayon ng majority Pinoys at napatunayan 'yan sa mga survey na siya (VP Sara) ang laging top sa pagka-presidente at ang senador naman ang laging top sa pagka-vp para sa nalalapit na 2028 presidential election, period!





Comments