DSWD, pinuna ng COA sa dobleng ayuda at kahina-hinalang claims

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 22, 2026

Dapat tiyaking bawat pisong inilalabas ng pamahalaan para sa mga nangangailangan ay napupunta sa tamang benepisyaryo at wastong halaga.
Sa panahong maraming pamilyang Pilipino ang hirap pagkasyahin ang kinikita para sa pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan, hindi dapat maging pangkaraniwan ang mga pagkukulang sa pamamahagi ng ayuda.
Hindi sapat na sabihing walang nasayang na pondo; kailangang patunayan na maayos ang proseso, kumpleto ang dokumentasyon at walang sinumang nakatatanggap ng tulong nang lampas sa nararapat.
Sa ulat ng Commission on Audit (COA), natukoy ang ilang iregularidad sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2025. Kabilang dito ang humigit-kumulang 5,000 benepisyaryong nakatanggap ng dobleng halaga at halos 400,000 kataong nakakuha ng cash assistance na lampas sa itinakdang benepisyo. Dahil dito, tinukoy ng mga auditor ang P397.5 milyon na naipamahaging higit sa nakalaan.
Mayroon ding 6,000 indibidwal na nakatanggap ng AICS kahit nabigyan na ng tulong sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP). Samantala, mahigit 1,000 katao ang paulit-ulit na nakatanggap ng cash assistance, na nagresulta sa P9 milyong kahina-hinalang claims.
Gayunman, iginiit ng DSWD na walang pondong nasayang at walang natukoy na ghost beneficiaries o kakulangan sa pondo na ninakaw ng mga empleyado. Wala rin umanong inilabas na notice of suspension habang patuloy na sinusuri at bineberipika ang mga transaksiyon.
Ipinaliwanag din ng ahensiya na ang pagtanggap ng hanggang P10,000 ay maaaring naaayon sa patakaran kung magkaibang uri ng tulong ang kailangan ng isang benepisyaryo, gaya ng medical at burial assistance. Hindi rin awtomatikong nangangahulugang hindi na mahirap ang isang pamilya kapag nakapagtapos na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Dahil dito, namahagi pa rin ang DSWD ng P14.41 milyon sa 20,000 pamilyang nagtapos sa programa upang hindi sila muling malugmok sa kahirapan.
Sa usapin naman ng mga dokumento, kinilala ng ahensiya na may mga pagkakataong hindi sapat ang pagsusuri sa mga isinumiteng papeles, kabilang ang mga pekeng medical certificate. Ipinaliwanag itong posibleng pagkakamali ng mga kawani dahil sa dami ng humihingi ng tulong. Itinanggi rin ng DSWD na may halong pamumulitika ang pamamahagi ng ayuda noong 2025 midterm elections.
Gayunman, hindi dapat maging dahilan ang dami ng aplikante upang mapabayaan ang pagsusuri. Ang bawat pagkakamali sa proseso ay maaaring mangahulugan ng tulong na hindi napunta sa higit na nangangailangan. Dapat palakasin ang beripikasyon ng mga dokumento, pagtutugma ng mga talaan ng benepisyaryo at pagsusuri sa mga dobleng claim.
Ang ayuda ay hindi pabor na ipinagkakaloob ng pamahalaan kundi serbisyong pinopondohan ng taumbayan. Ang bawat pisong napupunta sa maling transaksiyon ay maaaring katumbas ng gamot, pagkain o pamasahe na hindi naibigay sa isang pamilyang nangangailangan. Kaya mahalagang hindi lamang ipaliwanag ang mga natuklasan ng COA, kundi tiyakin ding naitatama ang mga pagkukulang at napapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag. Sa serbisyong panlipunan, ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng naipamahaging ayuda, kundi sa katiyakang nakarating ito sa tamang tao, sa tamang halaga at sa tamang panahon.





Comments