top of page
WINNER - BEA AT VINCENT, IKAKASAL NA!_IG _bealonzo

Suporta sa kabataang atleta, huwag tipirin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 17 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | July 16, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Siguradong malayo ang mararating ng kabataang Pilipino kung sapat ang suporta ng pamahalaan sa kanilang talento at kinabukasan.


Kapag seryosong pinopondohan ang sports, hindi lamang medalya ang maaaring maiuwi ng bansa kundi mas maraming kabataang magiging disiplinado, malusog, may kumpiyansa sa sarili, at may malinaw na direksyon sa buhay. Hindi lamang ito pamumuhunan para sa mga atleta kundi para rin sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.


Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) ang kahalagahan ng patuloy na pamumuhunan sa sports bilang bahagi ng paghubog sa kabataang Pilipino. Kasunod ito ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Tarlac, upang inspeksiyunin ang kalagayan at pag-unlad ng mga pasilidad nito.


Ayon sa DepEd, higit pa sa pag-aani ng medalya ang layunin ng programa. Ang pamumuhunan sa sports ay katumbas din ng pamumuhunan sa kalusugan, disiplina, magandang asal, at maayos na paggabay sa kabataan. Sa pamamagitan ng NAS, nahuhubog ang katatagan ng loob, pagkakaisa, at responsibilidad ng mga mag-aaral habang pinagsasabay ang pag-aaral at pagsasanay sa kani-kanilang larangan.


Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga student-athlete ng komprehensibong suporta kabilang ang 24-oras na pangangalaga, libreng tirahan sa dormitoryo, kumpletong pagkain at meryenda, strength and conditioning program, at buwanang allowance na P3,000. Mayroon ding mahigit 170 kawani at mga espesyalistang coach na nakatutok sa paglinang ng kanilang kakayahan.


Sa pagbisita ng Pangulo, ininspeksyon ang mga nagagamit nang pasilidad sa Phase 1, kabilang ang Academic and Administration Building at Multi-Sports Gymnasium, gayundin ang halos tapos nang Phase 2 facilities tulad ng Gymnastics Hall, Sports Performance Building, at mga dormitoryo para sa mga estudyante at kawani.


Patunay ng magandang bunga ng programa ang naging performance ng NAS sa 2026 Palarong Pambansa kung saan nakapag-uwi ito ng 26 na medalya—10 ginto, limang pilak, at 11 tanso. Noong 2025 naman, umabot sa 1,029 medalya ang napanalunan ng mga atleta nito sa iba't ibang pambansa at internasyonal na kompetisyon.


Malaki ang naitutulong ng ganitong programa hindi lamang sa mga atleta kundi maging sa buong bansa. Kapag nabibigyan ng sapat na oportunidad ang kabataan, mas nahuhubog ang kanilang disiplina, sipag, at pagmamahal sa bayan habang nababawasan ang posibilidad na malihis sila ng landas.


Ang tagumpay ng National Academy of Sports ay hindi dapat sukatin lamang sa dami ng medalya. Higit na mahalaga ang paghubog ng mga kabataang responsable, may magandang pagpapahalaga sa buhay, at handang magbigay ng karangalan sa bansa. Sa patuloy na suporta sa sports at edukasyon, mas matibay ang magiging pundasyon ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page