top of page
BIDA - ANGEL, NI-LIKE ANG PAG-UNFOLLOW DAW SA KANYA NI MARIEL AT KAY ANNE SA IG-FB Angel L

Sobrang singil sa app-based taxi, dapat nang matigil

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | July 20, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Magandang hakbang ang naging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magtakda ng hangganan sa booking o platform fees ng mga taxi na gumagamit ng digital booking applications. Sa panahon na bawat piso ay mahalaga sa mga Pilipino, mahalagang mapigilan ang labis na singil na lalo lamang nagpapabigat sa gastusin ng mga commuter.


Naglabas ang LTFRB ng Memorandum Circular No. 2026-055 na nagtatakda na ang booking o platform fee para sa mga passenger taxi na gumagamit ng online o app-based booking platforms ay hindi dapat lumampas sa 20% ng kabuuang inaprubahang pasahe o P60, alinman ang mas mababa. Layunin nitong tiyakin na ang mga pasahero ay hindi mabibigatan sa mga dagdag-bayarin habang ginagamit ang digital booking services.


Nilinaw din sa memorandum na hindi maaaring maningil ng iba pang booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge, o anumang kahalintulad na bayarin kung wala itong pahintulot mula sa LTFRB. Ipinatupad ang bagong polisiya kasunod ng mga ulat na may ilang taxi operators at digital booking platforms na naniningil ng mataas na karagdagang fees sa kanilang mga pasahero.


Ayon sa LTFRB, ang panuntunang ito ay sumasaklaw lamang sa mga taxi units at operators na gumagamit ng digital o online platforms para sa pag-book ng mga pasahero. Hindi nito saklaw ang iba pang uri ng pampublikong transportasyon na may hiwalay na regulasyon.


Nagbabala rin ang LTFRB na papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang operator, platform provider, o driver na lalabag sa itinakdang guidelines. Inaasahan ng ahensya na sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng bagong patakaran ay masisiguro ang patas na paniningil at mapoprotektahan ang interes ng publiko.


Malaking ginhawa para sa mga ordinaryong mamamayan ang ganitong hakbang dahil maraming pasahero ang umaasa sa mga app-based taxi para sa mas mabilis at ligtas na biyahe. Kapag may malinaw na limitasyon sa mga singil, mas nagiging tiwala ang publiko na hindi sila mabibigatan ng mga hindi inaasahang dagdag-bayarin.


Hindi lamang tungkol sa presyo ang usapin kundi tungkol din sa patas na serbisyo at pananagutan ng mga nagbibigay ng pampublikong transportasyon. Dapat tiyakin ng pamahalaan na ang makabagong teknolohiya ay ginagamit upang mapadali ang biyahe ng mga tao at hindi upang maging dahilan ng mas mataas na gastos. Ang ganitong regulasyon ay nagpapakita na may kakayahan ang gobyerno na balansehin ang interes ng negosyo at ang kapakanan ng taumbayan, lalo na ng mga araw-araw na commuter na umaasa sa bawat pisong kanilang ginagastos.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page