SRP sa bigas, hindi sapat kung walang mahigpit na regulasyon
- BULGAR

- 13 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 21, 2026

Hanggang kailan ba magiging pabigat sa hapag ng mga Pinoy ang presyo ng bigas kung may paraan naman palang maibsan kahit kaunti ang gastos ng bawat pamilya?
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, tila may panibagong hakbang ang gobyerno na maaaring magbigay ng kaunting ginhawa sa mga mamimili—ngunit kasabay nito ay nananatili ang hamon kung sapat ba itong mararamdaman sa pang-araw-araw na buhay ng taumbayan.
Nagpasya ang Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng suggested retail price (SRP) na P53 kada-kilo para sa lokal na bigas bilang gabay sa publiko sa tamang presyo sa merkado. Ayon sa isang opisyal ng ahensya, bunga ito ng kasunduan sa pagitan ng ahensya at mga stakeholder ng industriya ng bigas upang mapanatili ang patas na balanse sa pagitan ng kita ng mga magsasaka at kakayahan ng mga mamimiling bumili.
Gayunman, nilinaw din na ang itinakdang presyo ay hindi isang mahigpit na price ceiling o obligadong sundin ng lahat ng tindahan. Isa lamang itong batayan upang magkaroon ng malinaw na gabay ang publiko at maiwasan ang labis na patong sa presyo ng lokal na bigas. Sa madaling sabi, layunin nitong hikayatin ang mas makatarungang bentahan habang isinasaalang-alang pa rin ang kalagayan ng mga nagbebenta at nagtatanim.
Kasabay nito, mananatiling umiiral ang P50 kada kilo na price cap para sa imported five-percent broken rice sa loob ng 30 araw simula noong Mayo 15. Ipinaliwanag din na ibinatay ang presyong ito sa landed import cost na umaabot sa P37 hanggang P38 kada kilo. Ayon pa sa opisyal, may sapat pa ring puwang para matustusan ang gastos sa logistics, posibleng pagkasira ng produkto, at makatwirang kita ng mga importer, trader, at retailer.
Inaasahang sisimulan nang buo ang implementasyon ng price cap sa imported rice sa susunod na linggo upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga retailer at mamimili na makaangkop sa bagong polisiya. Mahalaga ang hakbang na ito dahil ang bigas ay hindi lamang ordinaryong produkto kundi pangunahing pagkain ng milyun-milyong Pilipino, lalo na ng mga pamilyang kapos ang kinikita.
Sa ganang akin, magandang simula ang pagkakaroon ng malinaw na gabay sa presyo, ngunit hindi rito dapat matapos ang usapan. Kung walang mahigpit na monitoring at sapat na suporta sa lokal na agrikultura, maaaring manatiling limitado ang epekto nito sa bulsa ng taumbayan.
Ang tunay na tagumpay ng polisiyang ito ay kung mararamdaman ba ng ordinaryong mamamayan ang mas murang pagkain sa kanilang mesa at kung mapoprotektahan din ang kabuhayan ng mga magsasaka na siyang pundasyon ng suplay ng pagkain sa bansa.





Comments