Sobrang singil, dapat may katumbas na pananagutan
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | August 3, 2026

Ibalik sa mga konsyumer ang anumang sobrang singil na hindi naman nila dapat pinapasan.
Ang pagiging patas sa pagsingil ng kuryente ay hindi lamang usapin ng negosyo kundi ng pananagutan sa mga mamamayang tapat na nagbabayad ng kanilang buwanang obligasyon.
Nagbigay ng magandang balita ang Energy Regulatory Commission (ERC) matapos nitong aprubahan ang P9.5 bilyong refund para sa mga customer ng Manila Electric Company (Meralco). Batay sa desisyong inilabas noong Hulyo 31, inatasan ng ERC ang pinakamalaking power distributor sa bansa na ibalik sa mga konsyumer ang katumbas na P0.3449 kada kilowatt-hour (kWh) sa loob ng anim na buwan. Ang refund ay ilalagay bilang hiwalay na item sa buwanang electric bill upang malinaw na makita ng mga konsyumer ang halaga ng ibinabalik sa kanila.
Ayon pa sa ERC, sisimulan ang pagpapatupad ng refund sa susunod na billing cycle sa sandaling matanggap ng Meralco ang pinal na desisyon. Ang naturang halaga ay bunga ng tinatawag na price correction para sa panahon mula Enero hanggang Disyembre 2025.
Ipinaliwanag ng ahensya na sa ilalim ng rate reset process, kinakailangang magsumite ang mga regulated utility tulad ng Meralco ng kanilang mga gastusin at planong proyekto para sa itinakdang regulatory period. Ito ang nagiging batayan ng mga presyong ipinapasa sa mga konsyumer. Kapag nagkaroon ng tinatawag na lapsed period, patuloy na naniningil ang utility gamit ang dating rate habang hinihintay ang pag-apruba ng bagong taripa. Dahil dito, maaaring magkaroon ng over-recovery o sobrang nakolektang halaga na dapat ibalik sa mga customer kapag lumabas ang pinal na desisyon ng regulator.
Binigyang-diin pa ng ERC na dahil nakolekta ng Meralco ang naturang over-recovery sa panahon ng regulatory years na sakop ng lapsed period, nararapat lamang na isama rin ang interest cost sa kabuuang refund upang mas maging patas ang pagbabalik ng pera sa mga konsyumer.
Ang refund na ito ay patunay na mahalaga ang mahigpit na regulasyon upang maprotektahan ang interes ng publiko. Gayunman, hindi dapat dito nagtatapos ang pananagutan. Dapat tiyakin ng mga regulator at power utilities na mas magiging mabilis at mas transparent ang proseso ng rate adjustments upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng sobrang singil. Ang bawat konsyumer ay may karapatang magbayad lamang ng tamang halaga at makatanggap ng serbisyong patas, malinaw at may tunay na malasakit sa kapakanan ng taumbayan.





Comments