top of page
Herlene Budol - IG.jpg

Hindi multo o aswang, kundi korupsiyon ang tunay na dapat katakutan

Writer: BULGAR
BULGAR
5 hours ago
4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 2, 2026



Fr. Robert Reyes


Tinawagan tayo ng kaibigang reporter ng isang istasyon ng radyo noong nakaraang Miyerkules ng gabi. Nasa MRT tayo na nagbibiyahe mula Taft hanggang Trinoma.


Kararating lang natin mula sa Tagbilaran, Bohol, kung saan tinanggap ni Obispo Bai Varquez ang kanyang bagong pananagutan bilang bagong obispo ng Tacloban. Ang unang sumalubong sa atin sa labas ng Terminal 3 ay ang makapal na tao na naghahanap ng masasakyang pauwi. Oo nga, ano ang sasakyan natin pauwi?


Sinubukan natin mag-Grab. Kinailangan nating maglakad sa loob ng Terminal 3 kung saan naghihintay ang marami sa Grab Taxi o Car na kanilang tinawagan sa kanilang cellphone. Noong unang hanap natin ng GrabCar/Taxi, lumabas ang halaga nito: P1,050. Klinik natin ang booking. May tumanggap, kaya lang 30 minutes ang layo ng kotse.


Kinansel natin at inulit maghanap. Ilang minuto pa lang ang nakararaan nang may tumanggap ng request for booking. Ang lumabas na halaga ay P1,400 na. Tinanong natin ang guwardiya sa may pintuan kung may mura-murang paraan para makauwi.


Sagot nito: meron po. Kung matiyaga kayo, maghintay kayo ng bus papuntang MRT-Taft. Ah, oo nga pala, naalala natin. Mura nga at mabilis pa ang MRT. Naghintay tayo sa labas ng Gate 7. Wala pang ilang minuto, dumating na ang bus papuntang MRT.


Sumakay tayo at umupo sa harapan. Dumating ang konduktor at tinikitan kami. “Magkano po ang senior?” tanong natin. P30 lang po. Ha! Napakamura naman. Konting tiis lang. Umabot ng trenta minuto ang paghihintay namin bago mapuno ang bus.


At umalis ang bus at sa loob ng dalawampung minuto, nasa MRT na tayo. Pagdating sa Taft, konting lakad lang papuntang MRT. Nakasakay tayo sa senior compartment. Meron pang upuan. Ngunit napilitan tayong tumayo dahil tumawag ang kaibigang reporter na mag-interview tungkol sa Araw ng mga Banal (Nov. 1) at Araw ng mga Kaluluwa (Nov. 2). 

                  

Nang tanungin tayo tungkol sa Halloween na kinagigiliwan na ng maraming mga bata, madali nating nabigyan ng komento ang Halloween o Trick or Treat na hindi naman lahat ng bata ay sumasali. Una, hindi na natin kailangang takutin ang ating sarili sa mga bihis-multo, bampira, aswang, demonyo, at kung ano pa mang nakakatakot na costume at maskara. Napakadami nang tunay na nakakatakot dahil inilalagay sa tunay na panganib ang ating mga buhay.


Nabanggit natin ang nakakatakot na pagtaas ng mga bilihin, ang pagtaas ng gasolina at krudo dahil sa giyerang sinimulan ng dalawang presidenteng magkakampi laban sa Iran. Nakakatakot ang epekto ng pagtaas ng bilihin at higit na nakakatakot ang posibilidad na kumalat ang giyera at magkaroon ito ng pandaigdigang epekto. Nabanggit din natin na merong ibang uri ng mga nakakatakot sa Kongreso na kamakailan ay ipinasa ang 2027 budget sa halagang 7.2 trilyong piso.


Nag-iyakan at nagtawanan ang mga kinatawan natin. Umiyak at tumawa dahil nagtagumpay silang ipasa ang budget na napakalaki para lahat sila ay merong napakalaking mga “insertions” at mga budget para sa kanilang infrastructure projects na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso. Huwag na nating banggitin ang umiyak at ang mga tumawa na nagdiriwang sa pagpasa sa P7.2 trilyong 2027 budget. Marami sila. At para sa akin, sila ang mga nakakatakot na nagmistulang mga maligno, tiyanak, tikbalang, bampira, manananggal at aswang. Bagay na bagay sa Halloween. Ituon na lang natin ang pansin sa labintatlong tumutol at hindi nagpakita ng anumang nakakadismayang reaksyon sa nakakahiya at nakakaiskandalong budget ng mga gahaman!

                  

Salamat po sa magigiting na labing-tatlo (13) na tumutol sa 2027 P7.2 trilyon budget: 1) Rep. Kaka-Bag-ao (Dinagat Island); 2) Rep. Percival Cendeña (Akbayan); 3) Rep. Renee Co (Kabataan); 4) Rep. Leila de Lima (Mamamayang Liberal); 5) Rep. Rachel del Mar (Cebu City Ist District); 6) Rep. Sara Elago (Gabriela); 7) Rep. Edgar Erice (Caloocan 2nd District);  8) Rep. Eli San Fernando (Kamanggagawa); 9) Rep. Toby Tiangco (Navotas) at 10) Rep. Antonio Tinio (Act Teachers); 11) Rep. Chel Diokno (Akbayan); 12) Rep. Dadah Kiram Ismula (Akbayan); 13) Rep. Krisel Lagman (Ist District Albay).

                 

Simple lang ang kahalagahan at kahulugan ng Araw ng mga Banal. Modelo ng mga santo si Kristo at modelo ng mga Kristiyano ang mga santo. Kailangang-kailangan natin ng mga modelong tutularan sa mga panahong nakakalito na napakaraming mga sikat, magagaling at magaganda ngunit tila hindi maganda at maayos ang mga ipinapakita at itinuturo. Ganito ang nangyayari ngayon sa Kongreso. Mas maraming marumi kaysa malinis. Mas maraming makasarili kaysa makabansa at makamahirap. Salamat sa mga nagbibigay ng inspirasyon sa kanilang kagandahang-asal, pamumuno at pagkatao. 

                  

Sa araw naman ng mga kaluluwa. Bago pa yumao ang mga mahal sa buhay, naroroon tayong umaalalay at nagbibigay ng lakas ng loob na harapin ang katapusan ng buhay. Sa kanilang pagyao, hindi dapat sila kinakalimutan, bagkus patuloy na inaalala at ipinagdarasal. Ito ang binabanggit na “Pagkakaisa ng mga Banal” (Communion of Saints, Apostles' Creed). Ang mga buhay at ang mga sumakabilang buhay ay magkakabuklod.


Malalim ang ating pagkakabuklod. Nauna man ang ating mga magulang, lolo’t lola, mga tiyahin at tiyuhin, kapatid at pinsan, maski na ang mga anak, hindi napuputol ang pagkakaugnay dahil lahat ay titipunin ng Diyos muli sa Kanyang Kaharian.


Naghahanda tayong lumisan nang maayos at malinis sa mundong ito. Ipinagdarasal natin ang mga nauna sa atin, ngunit ipinagdarasal at ipinaghahanda rin tayo ng mga nauna ng lugar sa Kaharian ng Ama. Hindi napuputol ang pagmamahal ng ating mga magulang at mahal sa buhay sa kanilang pagpanaw. Ganun din tayo, tuloy ang ating pagmamahal at pananalangin para sa kanila. Ang pag-alala ay buhay. Ang pagkalimot ay kamatayan. Ang pagmamahal ay pag-alala ngayon at sa kabilang buhay. Hindi natin nakikita si Hesus ngunit hindi Niya tayo nililimot. Ganun din tayo sa Kanya at sa lahat ng hindi natin nakikita, ngunit buhay na buhay sila.

                  

Sa konsekrasyon ng bawat misa, dinarasal ng pari, sa pagtaas ng ostia at kalis na may alak, “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” At tuwing pinagdiriwang ang misa ng huling hapunan, inaalala, pinagninilayan, dinarasalan si Kristo na lalo’t higit na nabubuhay at naghahari sa buhay ng bawat isa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page