Pagpapahaba ng probationary period

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 2, 2026

Dear Chief Acosta,
Natanggap ako bilang isang probationary employee. Ayon sa una naming kontrata ay anim (6) na buwan ang probationary period ko. Ngunit dalawang linggo bago matapos ang aking kontrata sa kanila, nagkaroon ng evaluation at nakita na ako ay hindi nakaabot sa quota. Dahil gusto akong bigyan ng panibagong pagkakataon ng employer ko, tinanong niya ako kung gusto ko ba na pahabain pa ng isang (1) buwan ang aking probationary period para tingnan kung makakaabot ba ako sa quota. Pumayag ako at pumirma kami ng panibagong kontrata. Nguni’t noong nakausap ko ang kaibigan ko ay sinabi niya sa akin na kahit diumano pumayag ako ay nakasaad sa batas na hanggang anim (6) na buwan lang ang probationary period at pagkatapos ay regular na ako. Tama po ba siya? – Alhambi
Dear Alhambi,
Alamin muna natin ang pangkaraniwang pamantayan ng batas pagdating sa probationary employment. Ayon sa Article 281 ng Labor Code ng Pilipinas:
“Art. 281. Probationary employment. Probationary employment shall not exceed six (6) months from the date the employee started working, unless it is covered by an apprenticeship agreement stipulating a longer period. The services of an employee who has been engaged on a probationary basis may be terminated for a just cause or when he fails to qualify as a regular employee in accordance with reasonable standards made known by the employer to the employee at the time of his engagement. An employee who is allowed to work after a probationary period shall be considered a regular employee.”
Maliwanag ang nakasaad sa batas na ang karaniwang panahon ng probationary employment ay hindi dapat lumampas sa anim (6) na buwan. Kapag natapos ang panahong ito at pinahintulutan ang empleyado na magpatuloy sa pagtatrabaho, ituturing siyang regular na empleyado. Maaari ring maging regular ang empleyado kung natugunan niya ang mga makatwirang pamantayang itinakda ng employer para sa regularisasyon.
Ang tanong ngayon ay kung maaari bang palawigin o pahabain ang period bilang probationary employee? Ayon sa kasong Mariwasa Manufacturing Inc et al., vs. Hon. Vicente Leogardo, Jr, G.R. No. 74246, 26 January 1989, sa panulat ni Honorable Chief Justice Andres D. Narvasa, ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang boluntaryong kasunduan ng employer at empleyado na pahabain ang probationary period ng empleyado para bigyan pa siya ng pagkakataon upang pagbutihin ang kaniyang trabaho, ay maaaring payagan ng batas at magkaroon ng bisa:
“By voluntarily agreeing to an extension of the probationary period, Dequila in effect waived any benefit attaching to the completion of said period if he still failed to make the grade during the period of extension. The Court finds nothing in the law which, by any fair interpretation, prohibits such a waiver. And no public policy protecting the employee and the security of his tenure is served by prescribing voluntary agreements which, by reasonably extending the period of probation, actually improve and further a probationary employee's prospects of demonstrating his fitness for regular employment.”
Sa iyong sitwasyon, kung boluntaryo ninyong pinagkasunduan ng iyong employer ang pagpapahaba ng iyong probationary period para mabigyan ka ng pagkakataon na pagbutihin ang iyong trabaho, maaaring ang nasabing kasunduan ay payagan ng batas at magkaroon ng bisa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments