top of page

Senior citizens, dapat protektado sa anumang anomalya sa ayuda

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 28, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Siguraduhin na ang tulong ng gobyerno ay makararating sa tunay na nangangailangan, dahil sa bawat pondong inilalabas ng bayan ay bunga ng buwis at sakripisyo ng mamamayan. 


Kung may programang para sa mga nakatatanda, lalong dapat maging maayos, malinis, at patas ang proseso upang hindi maagawan ng karapatan ang mga senior citizen na naglaan ng mahabang panahon sa pagbuo ng isang komunidad para sa mga susunod na henerasyon.


Ito ang dahilan kung bakit pinaigting ngayon ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagsusuri sa birth records ng mga senior citizen upang matiyak na lehitimong benepisyaryo lamang ang makatatanggap ng cash gift mula sa paAmahalaan. Sa ulat ng ahensya noong Abril 20, 2026, umabot na sa 29,546 aplikasyon ang matagumpay na naproseso sa ilalim ng verification process.


Ang hakbang ay bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11982, batas na nagbibigay ng cash incentive sa mga Pilipinong aabot sa edad na 80, 85, 90, at 95 taong gulang. Para sa maraming pamilya, malaking tulong ang naturang benepisyo lalo na sa panahon ngayon na mataas ang presyo ng gamot, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.


Ayon sa isang opisyal, mas pinahigpit ang beripikasyon upang maiwasan ang iregularidad at masiguro na tama ang listahan ng mga tatanggap. Mahalaga ang prosesong ito dahil dati kung matatandaan natin, merong ilang programa ng gobyerno ang nasangkot sa reklamo ng dobleng pangalan, maling benepisyaryo, at pagpasok ng mga hindi kuwalipikado.


Kasabay nito, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng PSA sa iba’t ibang lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pagproseso ng mga dokumento at mailapit ang serbisyo sa mga senior citizen na hirap nang bumiyahe. Magandang hakbang ito dahil hindi lahat ng matatanda ay kayang pumila, bumiyahe, o maglakad nang malayo para lamang asikasuhin ang kanilang benepisyo.


Nanawagan din ang ahensya sa mga aplikante at kanilang pamilya na makipagtulungan sa verification process upang maiwasan ang pagkaantala sa paglabas ng tulong. Dito makikita na hindi sapat ang programa lamang, kailangan din ng pakikilahok ng mga mamamayan upang maging maayos ang sistema.


Tama lamang na higpitan ang beripikasyon kung kapalit nito ay malinis at patas na pamamahagi ng pondo. Mas mabuting dumaan sa maingat na proseso kaysa masayang ang pera ng bayan sa maling kamay. Ang tunay na malasakit ay hindi lamang pagbibigay ng ayuda, kundi pagtiyak na ang biyaya ay napupunta sa mga lolo at lola na tunay na karapat-dapat makatanggap nito. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page