top of page
WINNER - DEREK, ENDORSER NG ONLINE GAMBLING-IG _ramseyderek07.jpg

Security measures, dapat pareho sa public at private schools

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 19, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Delikado kapag ang lugar na dapat nagsisilbing pangalawang tahanan ng mga bata ay napapasok ng karahasan. Ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University ay hindi lamang usapin ng seguridad. Isa itong mabigat na paalala na kailangang suriin nang mabuti kung sapat ba ang mga hakbang upang maprotektahan ang bawat estudyante at school personnel.


Ayon sa Department of Education (DepEd), nakahanda itong magbigay ng suporta sa mga estudyante, pamilya at personnel na naapektuhan ng insidente. Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mental health partners para sa psychological first aid at psychosocial support.


Mahalaga ito dahil hindi natatapos ang epekto ng isang ganitong insidente sa mismong araw na nangyari ito. May mga estudyanteng maaaring matakot pumasok muli, mga magulang na mababahala sa kaligtasan ng kanilang mga anak at mga guro na maaaring mangailangan din ng suporta.


Kasabay nito, hinimok ng DepEd ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, lalo na ng sensitibong larawan, video at detalye dahil may mga menor-de-edad na sangkot.


Samantala, sinabi naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na panahon na upang repasuhin ang mga polisiya sa seguridad ng mga paaralan. Aniya ng ahensya may umiiral na memorandum circular para sa police monitoring sa labas ng public schools, ngunit kailangan ding tingnan kung paano maisasama ang private schools sa mas malawak na safety measures.


Hindi dapat maging dahilan ang pagiging pribado o pampubliko ng isang paaralan upang magkakaiba ang antas ng proteksiyong natatanggap ng mga bata. Ang seguridad sa paaralan ay dapat nakabatay sa panganib at pangangailangan, hindi sa uri ng institusyon.


mahalaga rin ang pagtingin sa pinagmumulan ng problema. Kailangan ng mas maagang pagkilala sa mga batang dumaranas ng mabigat na pinagdaraanan, mas bukas na komunikasyon sa pagitan ng paaralan, magulang at estudyante, at sapat na access sa counseling at iba pang support services.


Ang insidenteng ito, kasunod ng pamamaril noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong estudyante, ay dapat magsilbing seryosong panawagan para sa mas mahusay na school safety policies.


Hindi sapat ang seguridad kapag may nangyari na. Dapat itong mauna. Kailangang kumilos ang DepEd, PNP, LGUs, mga paaralan at mga magulang upang gawing tunay na ligtas ang paaralan—isang lugar kung saan ang mga bata ay malayang matututo, lalago at uuwi nang ligtas sa kanilang pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page