top of page
BIDA - “NOT TODAY SATAN” TOTE BAG NA IFINLEX NI DENNIS, SOLD OUT KAHIT MAHAL_IG _dennistri

Paglaya sa dinastiya, suntok sa buwan o suntok sa sistema

Writer: BULGAR
BULGAR
14 hours ago
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 3, 2026



Fr. Robert Reyes


Sunud-sunod ang mga malinaw na tanda na tama at napapanahon na ang panawagang “isulong ang tunay na anti-dynasty law”.  Noong nakaraang ika-16 ng Setyembre, naglabas ng nagkakaisang pahayag ang Korte Suprema na may tungkulin at pananagutan, ayon sa Konstitusyon, na lumikha at magsabatas ng tunay na Anti-Dynasty Law.


Isang paglabag sa kanilang pananagutang konstitusyonal (constitutional duty) ang paulit-ulit na pag-uudlot sa pagbuo at pagpasa ng naturang batas. Ayon din sa Korte Suprema, ang isang malinaw na sanhi ng patuloy na pag-iwas at pag-udlot ng pagbuo at pagpasa ng batas laban sa dinastiya ay ang mismong pagdami at paglaganap ng mga ito sa lahat ng lalawigan, siyudad, bayan, hanggang kaliit-liitang barangay.  


Makikita ang pamamayagpag ng mga dinastiya mula sa Malacañang hanggang sa Senado at Kamara. Makikita at mararamdaman din ang makapangyarihang kamay ng mga dinastiya sa paniniguro na meron silang kani-kanilang mga kaibigan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, mula sa mga korte (Korte Suprema; Court of Appeals; Regional Trial Courts; Metropolitan Courts hanggang sa mga piskalya); sa Kapulisan at Sandatahan ng Bayan (Army; Navy; Air Force) atbp. Siyempre, dahil kailangan ng “staff” o mga assistant at alalay sa kanilang mga opisina, madaling punuin ng mga kamag-anak, kasosyo at kaibigan ang kani-kanilang mga opisina. Salamat, Korte Suprema, sa inyong pagsuporta sa pagbubuo at pagpapasa ng tunay na Anti-Dynasty Law.

                  

Noon namang nakaraang ika-25 ng Setyembre, Biyernes, lumabas naman ang pahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa pagsuporta sa isinusulong ng kilusang Dapat Isa Lang na People’s Initiative o ang pagkalap ng mga pirma mula sa bawat “Electoral District” sa buong bansa na aabot sa 3% ng pangkalahatang bilang ng boto sa halalang pambansa. Ito ay naestima na ng grupong “Dapat Isa Lang” sa 7.2 o 7.3 milyong pirma. Tatlong obispo na ang sumuporta rin sa Dapat Isa Lang. Nagpahayag na rin ng suporta ang ilang obispo tulad nina Cardinal Ambo David ng Diyosesis ng Caloocan, Bishop Elias Ayuban ng  Diyosesis ng Cubao at Bishop Gerardo Alminaza ng Diyosesis ng San Carlos. Maraming salamat po, mahal naming mga obispo.

                  

At isa ring magandang balita ay ang positibong pagtanggap ng Commission on Elections (COMELEC) na gamitin ang Digital Signatures sa halip na papel na balota para sa People’s Initiative against political dynasties. Dahil dito, pormal ding inilunsad noong nakaraang Miyerkules ng grupong Dapat Isa Lang ang “Digital Platform” para sa signature campaign para sa People’s Initiative. Nagtipon-tipon sa Obispado de Cubao ang iba’t ibang grupo at ang kani-kanilang lider para sa naturang paglulunsad. Dinaluhan ito nina Obispo Elias Ayuban; dating Supreme Court Justice Antonio Carpio; Christian Monsod; Carlo Abadines ng Simbahang Lingkod ng Bayan; Fr. Robert Reyes ng Clergy for Good Governance; mga kinatawan ng iba’t ibang samahan tulad ng Management Association of the Philippines; Atty. Eireen Aguila ng una at pangalawang People’s Initiative Coalition Against Dynasties o PICAD at marami pang iba. “Hindi po ito suntok sa buwan. Hindi rin ito suntok sa mga dinastiya. Ito po ay suntok sa paglalim at paglaganap ng sistema at kulturang pulitikal na hawak, nagpapatatag at nagpapalaganap sa mga dinastiya,” paliwanag ng mga miyembro ng D1L.

                  

Napakatagal na ng problema ng mga dinastiya. Panahon pa ito ni Rizal na nabuhay sa kapaligiran ng mga Ilustrado at Peninsulares na pinagkatiwalaan ng mga Kastila sa paggamit ng kapangyarihan at pananalapi ng gobyernong kolonyal. Mula noon hanggang ngayon, hindi nawala ngunit tuloy-tuloy lang na nagbabagong-anyo ang mga dinastiya. At heto na po sila ngayon. Hawak nila ang 80% ng Kongreso. Nasa Kongreso sila at kitang-kita ito sa apat na pares ng magkakapatid: mula sa magkakapatid na Villar hanggang sa magkakapatid na Estrada, Tulfo at Cayetano. Wala na bang iba. Panay sila na lang ba?

                  

Kayat nagtapos sa simpleng panalangin, “Magparaya para lumaya” o  sa Ingles, “Let go! Let good and let God.” Malaking hamon ang pagbubuo ng pambansang makinarya para labanan ang mga dinastiya. Magtutulungan ang mga taong-simbahan na manalangin at makipag-usap na may pakiusap sa mga dinastiya. Kung mahal talaga ninyo ang ating bansa, lalong-lalo na ang mga mahihirap, panahon nang bumitaw at hayaan ang iba na maaaring may ibang alam at kakayahan kaysa sa inyo. Tiyak na hindi iilan ang mga ito, kundi maraming-marami sila, kaya’t magparaya para lumaya! Amen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page