Sandamakmak na paperworks sa mga titser, dapat lang alisin
- BULGAR

- Jun 17
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 17, 2026

Mas magiging maayos kaya ang kalidad ng edukasyon kung mababawasan ang oras ng mga guro sa paggawa ng sandamakmak na papeles at mas mapupunta ang kanilang atensyon sa mismong pagtuturo?
Tila magandang hakbang ang bagong polisiya ng Department of Education (DepEd) dahil matagal nang hinaing ng mga guro ang mabigat na paperwork na minsang mas inuuna pa kaysa aktuwal na paghubog sa mga estudyante. Kung tutuusin, hindi naman haba ng lesson plan ang tunay na sukatan ng mahusay na pagtuturo kundi kung malinaw ang aralin at natututo ang bata sa loob ng silid-aralan.
Sa ilalim ng bagong patakaran ng DepEd, papalitan na ang dating sistema ng lesson planning na nakabatay sa mahahabang dokumento. Ayon sa ahensya, aalisin na ang mahigpit na pagkakaiba sa pagitan ng “Detailed Lesson Plans” at “Daily Lesson Logs” upang magkaroon ng mas simple at flexible na paraan ng paghahanda ng aralin para sa mga pampublikong guro.
Bahagi ito ng reporma ng DepEd upang mabawasan ang trabaho ng mga teacher at mas mabigyan sila ng panahon para pagtuunan ang kalidad ng pagtuturo. Sa ilalim ng bagong gabay, ipatutupad ang ILAW Framework na binubuo ng apat na mahalagang bahagi: Intentions, Learning Experience, Assessing Learning, at Ways Forward. Layunin nitong tulungan ang mga guro na malinaw na matukoy ang target ng aralin, maayos na maihatid ang leksyon, masukat ang pagkatuto ng estudyante, at makagawa ng paraan para sa remediation o enrichment kung kinakailangan.
Hindi dapat nauubos ang oras ng mga guro sa pagsusulat ng napakahahabang lesson plan. Mas mahalaga ang kahandaan ng guro at ang tunay na pagkatuto ng mga bata. Ipinunto rin ng DepEd na hindi na maaaring magdagdag pa ng ibang template o dagdag na requirements ang regional offices, division offices, at mga paaralan lampas sa itinakdang pamantayan ng bagong polisiya.
Pinapayagan din ang responsable at limitadong paggamit ng artificial intelligence (AI), gaya ng grammar checking at formatting, ngunit nilinaw ng DepEd na hindi nito maaaring palitan ang sariling paghusga at pagpapasya ng mga guro sa pagdidisenyo ng aralin. Saklaw rin ng bagong sistema ang pagsasaalang-alang sa pangangailangan ng learners with disabilities, ALS learners, Indigenous Peoples communities, multigrade classes, at maging mga sitwasyong may emergency disruptions.
Mahalaga ang pagbabagong ito dahil ang kalidad ng edukasyon ay direktang nakaaapekto sa kinabukasan ng kabataan. Kung mas mabibigyan ng oras ang mga guro na magturo kaysa gumawa ng dokumento, posibleng mas lumalim ang pagkatuto ng mga estudyante. Ngunit kasabay ng pagluwag ng requirements ay dapat ding tiyakin ng DepEd na may sapat na training at gabay upang hindi mauwi sa kalituhan ang implementasyon. Hindi simpleng pagbabawas ng papel ang tunay na sukatan ng tagumpay kundi kung makikita ba ng mga magulang at komunidad ang mas mahusay na edukasyon para sa mga bata.





Comments