Sa mga driver at konduktor... Discount at sukli ng pasahero, ibigay nang tama
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 2, 2026

Para saan ang mga patakaran sa diskuwento kung hindi rin naman ito sinusunod ng mga dapat manguna sa pagpapatupad nito?
Sa gitna ng patuloy na hirap ng mga komyuter, lumutang ang isyu laban sa isang bus operator at bus driver at konduktor nito na umano’y hindi nagbigay ng tamang diskuwento at sukli sa mga pasahero. Isang paalala ito na kahit may malinaw na polisiya, nawawalan ito ng saysay kapag napapabayaan.
Sa ulat, agad kumilos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos kumalat sa social media ang reklamo ng isang pasahero mula sa rutang Alabang hanggang Ayala.
Ayon sa ahensya, sakop ang bus operator ng service contracting program kung saan may karapatan ang mga pasahero sa 20% diskuwento, at mas mataas na 40% para sa mga estudyante, senior citizen, at persons with disabilities. Gayunman, kabaligtaran nito ang nangyari: walang ibinigay na tiket, walang diskuwento, at mali pa ang sukli.
Binigyang-diin ng isang opisyal ng LTFRB na walang puwang ang ganitong paglabag. Ipinatawag ang driver at konduktor sa isang pagdinig sa Mayo 11, at binalaan na ang hindi pagdalo ay magreresulta sa agarang multa na ₱5,000 at posibleng mas mabigat pang parusa. Inatasan din ang operator na magpaliwanag kung bakit hindi dapat masuspinde o tuluyang kanselahin ang kanilang prangkisa.
Kung tutuusin, hindi lang ito simpleng paglabag sa diskuwento. Ito ay usapin ng tiwala. Ang bawat piso na hindi naibabalik nang tama ay direktang dagok sa araw-araw na budget ng ordinaryong mga Pinoy. Para sa marami, ang diskuwento ay hindi pribilehiyo kundi pangangailangan upang maitawid ang pamasahe sa gitna ng tumataas na gastusin.
Ipinapakita ng insidenteng ito ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas at aktibong partisipasyon ng publiko. Kung walang magrereklamo, maaaring magpatuloy ang ganitong gawain nang walang pananagutan. Dito pumapasok ang papel ng social media bilang boses ng mga pasahero.
Malinaw na ang disiplina sa transportasyon ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi pati ng mga operator at empleyado nito. Kung tunay na para sa taumbayan ang mga programa, dapat itong maramdaman sa bawat sakay ng mga pasahero—sa tamang sukli, tamang diskuwento, at patas na serbisyo. Ang simpleng pagsunod sa patakaran ay malaking hakbang para maibalik ang tiwala ng publiko at maitaguyod ang dignidad ng bawat komyuter.




Comments