Tatay na ayaw magsustento, puwede bang kasuhan sa VAWC?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 17, 2026

Dear Chief Acosta,
Hindi kailanman nagbigay ng sustento ang ex ko para sa anak namin kahit pa may pinansyal siyang kakayahang gawin ito. Itinatanggi niyang anak niya ang bata, at iginigiit na hindi siya ang pumirma sa birth certificate nito. Maaari ko ba siyang sampahan ng kasong VAWC?
— Trianne
Dear Trianne,
Una sa lahat, ang mga magulang ang pangunahing may pananagutan na suportahan ang kanilang anak. Kaugnay nito, sa kasong XXX vs. People of the Philippines, G.R. No. 262419, 03 Nobyembre 2025, sa panulat ni Honorable Associate Justice Japar B. Dimaampao, ipinahayag ng ating Korte Suprema na kinakailangang mapatunayan muna ang pagiging ama bago legal na obligahin ang isang tao na magsustento sa bata:
“Under Article 175 of the Family Code of the Philippines, illegitimate children may establish their illegitimate filiation in the same way and on the same evidence as legitimate children. The methods laid down in the Family Code are as follows:
Article 172. The filiation of legitimate children is established by any of the following:
The record of birth appearing in the civil registrar or a final judgment; or
An admission of legitimate filiation in a public document or a private handwritten instrument and signed by the parent concerned.
In the absence of the foregoing evidence, the legitimate filiation shall be proved by:
The open and continuous possession of the status of a legitimate child; or
Any other means allowed by the Rules of Court and special laws.
xxx xxx xxx
In the instant case, apart from AAA’s testimony, BBB’s Certificate of Live Birth was adduced as evidence. However, it is readily apparent that the space for the father’s information indicates ‘N/A’ or ‘not applicable’ and was left unsigned. There is also a dearth of evidence to establish that XXX acknowledged the child as his own. With XXX’s liberty at stake, the birth certificate cannot be given weight as proof of paternity. It bears stressing that support follows as a matter of obligation when filiation is beyond question. With the prosecution’s failure to prove the second element that AAA and XXX share a common child, there is serious doubt on whether financial support is legally due AAA or her child.”
Ang ugnayang magulang at anak ay napatutunayan sa pamamagitan ng alinman sa mga sumusunod: (1) ang talaan ng kapanganakan (birth certificate) o isang pinal na hatol ng korte; o (2) ang pag-amin sa nasabing ugnayan ng magulang at anak sa isang pampublikong dokumento o sa isang pribadong kasulatang sulat-kamay at nilagdaan ng nasabing magulang. Kung wala ang mga ito, maaaring iharap bilang ebidensiya ang hayag at tuluy-tuloy na pagtataglay ng katayuan bilang anak, o (2) anumang iba pang paraan na pinahihintulutan ng mga tuntunin ng hukuman at ng iba pang batas.
Kung kaya, kinakailangan mong maipakita ang relasyon sa pagitan ng iyong dating karelasyon (bilang tatay) at ng anak mo. Kung hindi, hindi maitatatag ang obligasyon niya na magbigay ng suportang pinansyal, at hindi siya maaaring mapanagot sa kanyang pagtangging magbigay ng suporta sa bata.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments