top of page
BULGARY - NETIZENS, NAAARTEHAN NA KINA SARAH AT MATTEO_IG _matteog.jpeg

Sa banta ng matinding El Niño, ‘di sapat ang puro salita, dapat may pagkilos

Writer: BULGAR
BULGAR
12 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 8, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat maging handa ang pamahalaan hindi lamang sa pagtiyak na may sapat na tubig sa mga dam, kundi pati sa pagprotekta sa bawat pamilyang posibleng maapektuhan ng matinding El Niño. 


Hindi sapat ang pagsasabing may reserbang tubig at pagkain kung hindi naman mararamdaman ng karaniwang mamamayan ang katiyakang hindi sila mawawalan ng pangunahing pangangailangan sa gitna ng matinding init at tagtuyot.


Ayon sa PAGASA, umiiral na ang napakalakas na El Niño sa tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy ang epekto nito sa mga susunod na araw. Sa kabila nito, tiniyak ng Malacañang na nananatiling sapat ang suplay ng tubig sa mga dam at iba pang pinagkukunan nito. Noong Nobyembre 3, umabot sa 208.70 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mas mataas sa minimum operating level nitong 180 metro.


Tiniyak din ng pamahalaan na sapat ang suplay ng pagkain, partikular ang bigas, batay sa pagtaya ng Department of Agriculture (DA). Samantala, nakatuon naman ang Department of Energy (DOE) sa pagpapanatili ng maayos na operasyon ng mga planta ng kuryente upang maiwasan ang kakulangan sa suplay ng elektrisidad.


Mahalaga ang mga katiyakang ito dahil hindi lamang simpleng pagtaas ng temperatura ang dulot ng El Niño. Kapag tumindi ang tagtuyot, direktang naaapektuhan ang mga magsasaka, mangingisda, manggagawa at maliliit na negosyante. Posibleng bumaba ang ani, maapektuhan ang kabuhayan, tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at lumaki ang gastusin ng mga pamilyang umaasa sa limitadong kita. Dagdag pa rito ang panganib ng kakulangan sa tubig at mas mataas na konsumo ng kuryente dahil sa paggamit ng bentilador at iba pang pampalamig.


Kaya hindi dapat mauwi sa mga pahayag at pangakong handa ang gobyerno sa pagtugon sa krisis. Kailangang tiyakin ang regular na pagsusuri sa antas ng tubig sa mga dam, maayos na distribusyon ng suplay, sapat na reserba ng bigas at iba pang pagkain, at mabilis na pagkilos para sa mga komunidad na higit na tatamaan ng tagtuyot.


Dapat ding magkaroon ng malinaw na plano para sa mga magsasakang posibleng mawalan ng pananim at kita, gayundin para sa mga pamilyang mahihirapang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.


Sa panahon ng matinding El Niño, hindi sapat na may tubig sa dam at bigas sa bodega. Ang tunay na kahandaan ay nasusukat sa serbisyong nararamdaman ng mamamayan. Hindi dapat hintaying maranasan muna ng taumbayan ang kakulangan bago kumilos ang pamahalaan. Ang paghahanda ay dapat nauuna sa sakuna, sapagkat ang bawat araw na napapabayaan ay maaaring katumbas ng pagkawala ng kabuhayan, dagdag na gastusin at paghihirap ng maraming pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page