‘Youthquake,’ lumalaganap na sa buong mundo

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 8, 2026

Hindi itinuloy ni Ombudsman Boying Remulla ang kanyang biyahe sa Pransiya na pinahayag niya noong nakaraang ika-7 ng Setyembre, 2026.
Hindi na raw niya ito itutuloy sa kasalukuyang panahon na nagmamartsa ang mga kabataan sa iba’t ibang bahagi ng Pransiya. Good luck na lang kina Zaldy Co, Loren Legarda at ang anak nitong si Leandro Leviste. Noong isang taon pa naging pugante si Zaldy kaugnay ng kaso nito sa mga “ghost flood control projects.” Ang mag-inang Leviste naman ay biglang umalis sa gitna ng banta ng kaso kaugnay ng maanomalyang “Solar Energy Project” na pinondohan ng pamahalaan nang malaki ngunit walang naibibigay na serbisyo sa publiko. Bilyun-bilyong salapi ang kailangang ibalik o ipaliwanag ng mga nabanggit.
Ibang-iba ang nangyayari sa ating bansa kaysa sa ibang bansa. Tila nagkakaroon ng paggising sa pagkakatulog ng iba’t ibang demokratikong bansa sa mundong tila nabalot ng mga populista at autokratikong (diktador) na mga presidente. Bunga na rin ng mahina at nanghihinang bansa ang mabilis at madaling pagtakas ng mga puganteng pulitiko tulad nina Bato, Zaldy, Loren at Leandro. Salamat sa mga mahihina at kompromisadong opisyal tulad ni Jovic Remulla na hirap magpaliwanag kung paano hindi niya nahadlangan ang pagtakas ni Bato dela Rosa hanggang sa pinakamataas na opisyal na hindi mapigilang tumanaw ng utang na loob sa pagpili ng bagong Chief Justice. Mahina, bulok na sistema, marumi at bulok na mga opisyal ang matagal nang mukha ng ating pulitika. Sistema ba o tao ang problema? Sinasagot na po ito ng bagong buong kilusan laban sa mga dinastiya, ang Dapat Isa Lang o D1L. Ang sistema ay pinatatakbo ng mga miyembro ng dinastiya. Ang mga dinastiya ay nakikinabang at pinoprotektahan ng sistemang nilikha at binabantayan nila. Kailangan ng sistema ang mga taong nakikinabang at nagpoprotekta sa kanya. Kailangan ng dalawa ang isa’t isa. Hindi mapaghihiwalay ang dalawa.
Pagod, sawang-sawa, galit na galit na ang mga kabataan ng iba’t ibang bansa. Galit na ang mga kabataan sa Europa, Asia, South America, Africa at Australia. Biruin ninyo, ang nagsimula ng mga protesta sa Pransiya ay mga estudyante ng hayskul. Sinimulan ng isa at kumalat ito sa 1000 paaralan. Ayon kay Joel Ruiz Butuyan (Philippine Daily Inquirer, Nov.5, 2026, p. A8), may lumalaganap na “Youthquake” sa buong mundo. Ang salitang “youthquake” ay ginamit ng dating British Prime Minister, Gordon Brown. “A global youthquake is happening all over the world.” Tama si Rizal na nagsabing, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” At maaari rin nating idagdag, “Mga kabataan ang tunay na pag-asa ng demokrasya.” At ito ang nahahawig na pananaw ni Mahar Mangahas sa kanyang sinulat na, “Hope for Democracy in the World.” Bagama’t hindi binanggit ni Mangahas ang mga kabataan sa mga nagaganap sa Estados Unidos sa mga nagdaang araw, malinaw na buhay na buhay ang mariin at makabuluhang pagkilos ng mga kabataang Amerikano sa mga nagdaang araw, buwan at taon. Kitang-kita ng buong mundo at lalo na ng mga mulat na Amerikano kung ano ang ginagawa ni Trump laban sa demokratiko o malayang pamamahala sa loob at labas ng Estados Unidos. Binanggit ni Mangahas ang pagpatay ni Trump sa (US Agency for International Development (US-AID) ang pag-utos ni Trump na umalis ang Estados Unidos sa 66 international organizations—31 sa United Nations at 35 sa mga non-UN entities (“that operate contrary to the US National Interest, security, economic prosperity, or sovereignty.”
Kumikilos ang mga kabataan upang salagin at hadlangan ang pagpatay sa maraming mahahalaga at mabubuting bagay ng Pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump. At sa nakaraang Midterm election sa Estados Unidos, huminga muli ang kapayapaan dahil hihinto ang walang humpay na banta ng giyera mula sa bibig ng Presidente.
Huminga muli ang mga migrante dahil titigil na ang mapang-api at labag sa karapatang pantao na pagkilos ng ICE. Huminga muli ang mga nangangailangan ng tulong medikal dahil hindi na babawasan ang pondo sa Universal Health Care. Huminga muli ang maliliit na business dahil hindi na mamamayagpag ang mga bilyonaryo tulad nina Elon Musk at Donald Trump at ang iba pang kakontsyaba nilang bilyonaryo. Huminga muli ang mga unibersidad, kolehiyo at paaralan dahil muling kikilalanin ang kahalagahan ng edukasyon, kultura, karunungan at tamang paggamit ng agham sa halip na itaguyod ang mga troll at fake news portals na inaasahan ng mga pulitikong gumagamit nito.
Humihinga muli ang tunay na kalayaan ng pananampalataya (religious freedom) dahil hindi na gagamitin ang relihiyon bilang panangga at proteksyon sa abusado at hindi demokratikong pulitika. Humihinga muli ang katotohanan, katarungan, kalayaan, marangal na pananalita at pakikitungo sa kapwa.
At oo, huminga muli ang demokrasya sa mundong unti-unting nilalamon ng kabaliktaran at kalaban nito.





Comments