BSKE ‘di na talaga tuloy, mga korup, lundagan sa tuwa, pwe!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 8, 2026

LUNDAGAN SA TUWA ANG MGA KURAKOT NA BARANGAY OFFICIALS KASI APRUB NA SA SC ANG PAGPAPALIBAN NG 2026 BSKE — Idineklara ng Supreme Court (SC) na constitutional ang inaprub ng Kongreso at nilagdaan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na term extension sa mga barangay officials, pagpapaliban sa November 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) at pagtatakda ng barangay election sa November 2028.
Dahil napalawig ang kanilang termino, tiyak na naglulundag sa tuwa ang mga kurakot na barangay officials, boom!
XXX
KUNG IPAGPAPALIBAN ULI ANG BSKE SA 2028, DAPAT PALITAN NA NG PANGALAN ANG SANGGUNIANG KABATAAN, GAWIN NA ITONG SANGGUNIANG KATANDAAN KASI TIYAK SA PANAHON NA 'YAN MATANDA NA ANG MGA SK OFFICIAL — Hindi pa rin nakakatiyak na pagsapit ng November 2028 ay may magaganap na barangay election.
Malamang kasi, bago sumapit ang November 2028 ay may mga magsusulong na naman na mga senador at kongresista na i-postpone uli ito, at kapag nangyari 'yan, dapat baguhin na ang pangalang Sangguniang Kabataan, palitan ito ng Sangguniang Katandaan kasi hindi na sila masasabing mga kabataan dahil tumanda na sila sa puwesto sa paulit-ulit na pagpapaliban sa halalang pambarangay, period!
XXX
MAYANIG KAYA ANG TEAM PROSECUTION SA MGA TESTIGO AT EBIDENSYA NG DEFENSE TEAM? — Bukas, November 9, ang muling pagbubukas ng impeachment court at dito isasalang na ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang kanilang mga testigo at ebidensya.
Kaya't ang tanong: Mayanig kaya ang prosecution team sa ilalahad ng mga testigo at ebidensya ng defense team? Abangan!
XXX
SA RESO NI TITO SEN, IBIG BANG SABIHIN NA GUSTO NIYANG TANGGALIN NA SA PAGKASENADOR SINA SENS. DELA ROSA AT LEGARDA? — Naghain ng resolusyon si Sen. Tito Sotto na tugunan ng Senate Committee on Rules ang mga senador na matagal nang lumiliban na nagdudulot ng hindi pagganap sa kanilang mga tungkulin sa publiko.
Wala man pinangalanan, pero ang tinutukoy dito ni Tito Sen na matagal nang hindi pumapasok sa Senado ay sina Sen. Ronald Dela Rosa at Sen. Loren Legarda.
Kung susuriin ang resolusyon ni Tito Sen, waring nais niya ay magtakda ng panahon ang Senado, na ang mga senador na matagal nang hindi pumapasok ay sibakin sa pagkasenador.
Kaya't sakaling maaprub ang resolusyon ni Tito Sen, namumurong masibak sa pagkasenador sina Sen. Dela Rosa at Sen. Legarda, boom!





Comments