Relief goods sa mga biktima ng lindol ‘di sapat, dagdagan ng cash assistance
- BULGAR

- 58 minutes ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 16, 2026

Makakatulong kaya nang mas mabilis ang perang ayuda kaysa relief goods sa mga pamilyang pilit bumabangon mula sa pinsala ng malakas na lindol sa Mindanao?
Sa panahon ng sakuna, hindi sapat ang laman ng relief box kung wasak ang bubong, walang malinis na tubig, at hindi alam ng pamilya kung saan kukuha ng pambili ng pangunahing pangangailangan kinabukasan.
Kaya para sa marami, tila mas praktikal at mas makatao ang hakbang ng gobyerno na magbigay ng direktang cash assistance bukod sa pagkain.
Kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong June 8, inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa na itong lumipat mula sa pangunahing food assistance patungo sa emergency cash transfers (ECT) para sa mga residenteng matinding naapektuhan ng sakuna.
Ayon sa ahensya, mahalaga ang dagdag na pinansyal na tulong dahil hindi lahat ng pangangailangan ng mga pamilya ay matutugunan ng relief goods lamang, lalo na sa pagpapaayos ng bahay at pagbili ng mga gamit na hindi kasama sa mga food pack.
Sa pagbisita ng DSWD sa Glan, Sarangani, nakipagpulong sila sa alkalde ng mga apektadong bayan upang mapabilis ang implementasyon ng cash assistance. Kabilang sa mga lugar na prayoridad na mabigyan ng ayuda ang Sarangani, Davao Occidental, at General Santos City. Ipinaliwanag ng ahensya na agad itong ipatutupad sa sandaling maibigay ng mga local government unit ang listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo, at ito ay alinsunod umano sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Habang inihahanda ang cash aid, nagpapatuloy pa rin ang distribusyon ng pagkain at iba pang pangunahing tulong. Hanggang Linggo ng gabi, mahigit 125,000 family food packs, libu-libong non-food items, at ready-to-eat food boxes na ang naipamahagi sa mga lugar na matinding sinalanta ng lindol. Magpapatuloy rin ang food assistance sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo upang masuportahan ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan.
Bukod dito, nag-deploy din ang DSWD ng mobile kitchens para sa mainit na pagkain ng mga evacuee at mobile water filtration systems upang masiguro ang access sa malinis na inuming tubig. Samantala, inaasahan ding tutulong ang National Housing Authority sa rehabilitasyon ng mga nasirang tahanan bilang bahagi ng mas malawak na recovery plan ng pamahalaan.
Magandang senyales ang paglipat sa cash assistance dahil mas nabibigyan ng kalayaan ang mga pamilya na unahin ang kanilang pinakamahalagang pangangailangan. Gayunman, mahalaga ring tiyakin na magiging mabilis, maayos, at patas ang pamamahagi upang hindi madagdagan ang paghihirap ng mga nasalanta.
Ang tunay na sukatan ng ayuda ay hindi lamang sa dami ng naipamigay kundi kung gaano nito natulungan ang mga tao na makabangon at muling makapagsimula matapos ang trahedya





Comments