top of page

Refund sa kuryente, dapat ibalik nang buo at hindi pira-piraso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 29, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat bang laging taumbayan ang nag-a-adjust habang ang refund ay pakonti-konti lang? Ito ang matinding sentimyento ngayon matapos igiit ng isang mambabatas na hindi sapat ang iniutos na P14.17 bilyong refund ng Meralco sa mga konsyumer. 


Para sa maraming pamilyang araw-araw nagtitipid sa pagkain, pamasahe at matrikula, ang naturang halaga ay tila mumunting piraso lamang kumpara sa tinatayang P100 bilyong umano’y sobrang singil na dapat maibalik sa publiko. Sa gitna ng taas-presyo sa halos lahat ng bilihin, malinaw na bawat sentimo sa kuryente ay mahalaga sa ordinaryong mamamayan.


Ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC), magsisimula sa Mayo ang refund sa pamamagitan ng bawas na P0.2511 kada kilowatt-hour sa buwanang bill, na makikita sa linyang “AWAT (Refund)/Collect.” 


Ang dating planong 36 buwan na pagbabalik ay paiikliin sa 12 buwan upang mas mabilis na maramdaman ng mga kabahayan ang ginhawa. Magandang hakbang ito, ngunit para sa marami, hindi sapat ang bilis kung kulang naman ang kabuuang halaga.


Ipinaalala ng mambabatas na ang P14.17 bilyon ay bahagi lamang ng natitirang balanse mula sa naunang P19.96-bilyong refund na iniutos noong 2025. Ibig sabihin, hindi ito bagong biyaya kundi obligasyong matagal nang dapat naibalik. Kapag refund sa mamamayan, huhulugan at dahan-dahan. Kapag dagdag-singil naman sa kuryente, mabilis at agad ramdam. Dito nag-uugat ang galit ng publiko.


Binanggit din ang mga isyung matagal nang kinukuwestiyon ng mga consumer advocate, kabilang ang mataas na weighted average cost of capital, posibleng sobrang pagtataya sa regulatory asset base, at umano’y dobleng pagbilang ng inflation mula pa noong 2012. Kung may pagkukulang sa sistema ng pagpresyo, hindi lang numero ang apektado kundi mismong buhay ng pamilyang Pilipino na napipilitang magtipid sa ilaw, bentilador, at gamit sa bahay.


Dapat magsagawa ang ERC ng buo, malaya at masusing pagsusuri sa singil sa kuryente upang maibalik ang tiwala ng publiko. Hindi sapat ang pira-pirasong refund kung nananatiling palaisipan ang kabuuang computation. Ang konsyumer ay hindi alkansiyang puwedeng hugutan kapag kailangan ng kumpanya.


Ang usapin ng kuryente ay usapin ng hustisya. Kapag tama ang singil, tahimik ang mamamayan. Kapag may labis, nararapat lamang na buo rin itong maibalik. Ang taumbayan ang nagpapailaw sa negosyo, kaya panahon nang sila naman ang maliwanagan sa tunay na halaga ng kanilang binabayaran. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page