top of page
BULGARY - PRIME MINISTER NG TIMOR-LESTE, NAPASAYAW SA KANTA NG SB19_IG _officialSB19.jpeg

Pulisya, patunayang walang pinapaburan sa pagpapatupad ng batas

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 19, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa panahon ng social media, mabilis kumalat ang balita, pero hindi lahat ng nababasa at naibabahagi ay totoo. Isang maling impormasyon lamang ay maaaring magdulot ng takot, pagdududa at pagkakahati-hati sa komunidad. Kaya mahalagang maging mapanuri ang publiko, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa seguridad, karapatan at pagpapatupad ng batas.


Ito ang paalala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos kumalat sa social media ang mga post na nagsasabing hindi umano aarestuhin ng mga pulis ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC) na lalahok sa mga kilos-protesta. Kalakip ng mga ito ang umano’y palitan ng text message na nag-uutos sa mga pulis na huwag hulihin ang naturang grupo.


Mariing itinanggi ng NCRPO ang alegasyon ng piling pagpapatupad ng batas. Iginiit nitong walang espesyal na pagtrato batay sa relihiyon, paniniwalang pampulitika o pagiging kasapi ng isang organisasyon. Ayon sa tanggapan, pantay-pantay ang pagpapatupad ng batas at walang grupong dapat bigyan ng pribilehiyong hindi naman ipinagkakaloob sa iba.


Itinanggi rin ng pulisya ang kumalat na mensaheng nagsasabing walang pagkaing ibinigay sa mga tauhang nakatalaga sa seguridad ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at mga kaugnay na pagpupulong. Inatasan na rin ang Regional Anti-Cybercrime Unit, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, na tukuyin kung saan nagmula ang mga naturang post.


Mahalaga ang paglilinaw na ito dahil hindi dapat ginagamit ang social media upang magpalaganap ng mga impormasyong walang sapat na patunay. Gayunman, hindi rin dapat maging dahilan ang paglaban sa maling balita upang patahimikin ang mga mamamayang nagtatanong, nagpapahayag ng saloobin o nananawagan ng pananagutan. Bahagi ng demokrasya ang malayang pagpapahayag, lalo na kung may kinalaman sa kilos ng mga alagad ng batas.


Nagbabala ang NCRPO na maaaring magkaroon ng pananagutang kriminal ang sinumang sadyang gumagawa at nagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon. Kaya nararapat lamang na maging maingat ang bawat isa bago mag-post o magbahagi ng hindi pa beripikadong balita.


Kailangan ng taumbayan ang kapulisan na mapagkakatiwalaan at handang maglingkod nang patas. Ngunit kailangan din ng publiko ang malinaw na impormasyon at bukas na pagpapaliwanag mula sa mga awtoridad. Hindi sapat ang simpleng pagtanggi sa isang alegasyon, mas mahalaga ang pagpapakita ng katotohanan at konkretong patunay. Sa ganitong paraan lamang mapangangalagaan ang tiwala ng mamamayan at mapipigilan ang maling impormasyon na maging sanhi ng pagkakawatak-watak ng lipunan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page