top of page
BULGARY - PRIME MINISTER NG TIMOR-LESTE, NAPASAYAW SA KANTA NG SB19_IG _officialSB19.jpeg

ASEAN Declaration, hamon na itaas ang antas ng edukasyon

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 19, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa gitna ng idinaos na 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits, inaprubahan ng mga pinuno ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang ASEAN Declaration on Foundational Learning (ADFL), kung saan binibigyang-diin ang kahalagahan ng literacy, numeracy, at socio-emotional skills ng mga mag-aaral sa rehiyon.


Binabati natin ang Department of Education (DepEd) na nanguna sa pagbalangkas at nagsulong ng pag-apruba sa deklarasyong ito, kung saan makikita ang halagang ibinibigay ng rehiyon sa edukasyon, lalo na ang pagpapatatag ng pundasyon ng ating mga mag-aaral. Binubuksan din nito ang mga oportunidad upang matuto tayo sa ating mga karatig-bansa pagdating sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon. 


Kasunod nito, pangungunahan ng Pilipinas ang pagbuo ng mga roadmap upang gabayan ang pagkamit ng mga layunin ng naturang deklarasyon. Nakatakda ring ilunsad ang programang tulad ng ASEAN Academic Recovery and Catch-Up Program (ARC-UP) na ipapatupad bilang bahagi ng ASEAN Work Plan on Education (AWPE) 2026–2030.


Ibinida naman ng DepEd ang mga programa nitong sumasalamin sa inaprubahang deklarasyon. Kabilang dito ang nga ni-repormang curriculum para sa K to 10 curriculum at Senior High School, gayundin ang Academic Recovery at Accessible Learning (ARAL) Program.


Bilang may-akda ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028), ikinatutuwa natin ang pagkilala sa kung paano sinasalamin ng naturang programa ang pagsisikap nating tutukan ang edukasyon—isang layunin na suportado ng ating mga katuwang sa mga bansa ng Timog-Silangang Asya. 


Kaya naman mahalagang patuloy nating suportahan at patatagin ang mga programang pang-edukasyon bilang ating pakikiisa sa kahalagahang ibinibigay dito ng ASEAN. Sa susunod na linggo, nakatakdang talakayin ng Senado ang bersyon nito ng panukalang 2027 national budget. 


Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy nating tututukan ang pondong ilalaan sa sektor ng edukasyon, gayundin ang mga panukalang batas na layong iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.





May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page