Pinalitan ng robot, empleyado may karapatan sa separation pay

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 19, 2026

Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako sa isang mall at nakadestino sa concierge section. Nguni’t nabalitaan namin na nagbabalak ang mall na maglagay na lang ng mga robot na maaaring pagtanungan ng mga tao. Dahil dito, sinabihan kami na hindi na kakailanganin ang aming serbisyo. Gusto ko lang pong malaman na kung sakaling tanggalin kami ay makakatanggap ba ako ng separation pay, yamang sampung (10) taon na akong empleyado ng nasabing mall. — Tessie
Dear Tessie,
Ayon sa Artikulo 298 ng Labor Code of the Philippines, ang isa sa mga dahilan para payagan ang isang employer na magtanggal ng empleyado ay ang tinatawag na “installation of labor-saving devices” o paglalagay ng mga makinarya o paggamit ng makabagong teknolohiya imbes na tao ang gagawa ng trabaho. Narito ang pahayag ng batas:
“ART. 298. [283] Closure of Establishment and Reduction of Personnel. The employer may also terminate the employment of any employee due to the installation of labor-saving devices, redundancy, retrenchment to prevent losses or the closing or cessation of operation of the establishment or undertaking unless the closing is for the purpose of circumventing the provisions of this Title x x x”
Maliwanag ang nakasaad sa nasabing probisyon na pinapayagan na matanggal ang isang empleyado, sang-ayon sa mga alituntunin na itinalaga ng batas, sa kadahilanang pinipili na ng employer na maglagay na lang ng iba’t ibang uri ng mga makinarya upang mapabilis ang trabaho.
Bilang bahagi ng alituntunin ng batas, bago magtanggal ng empleyado, kailangan ang employer na magbigay ng “notice” o paunawa sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa tatanggaling empleyado, kahit man lang isang buwan bago maging epektibo ang pagtatanggal.
Ang tanong ngayon, kung matanggal ba ang isang empleyado dahil sa paglalagay ng iba’t bang makinarya, may makukuha ba siyang separation pay?
Ayon pa rin sa nasabing probisyon ng batas:
“ART. 298. [283] Closure of Establishment and Reduction of Personnel. x x x In case of termination due to the installation of labor-saving devices or redundancy, the worker affected thereby shall be entitled to a separation pay equivalent to at least his one (1) month pay or to at least one (1) month pay for every year of service, whichever is higher.”
Samakatuwid, kung ikaw ay kasama sa matatanggal dahil sa paglalagay ng nasabing mall ng mga robot na siyang gagawa ng dati mong trabaho, maaari kang magkaroon ng karapatan na makatanggap ng separation pay na katumbas ng isang buwang sahod para sa bawat taon na iyong ipinagserbisyo sa iyong employer.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments