Publiko, ‘wag magpaloko sa pekeng medical assistance
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 13, 2026

Maging maingat, dahil sa panahon ngayon, pati pangakong tulong medikal ay ginagawang pain ng mga manloloko para makuha ang personal na impormasyon ng mga ordinaryong Pilipino.
Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa kumakalat na pekeng links, websites at social media pages na nangangako ng P30,000 medical assistance. Ayon sa ahensya, bahagi ito ng misinformation at maaaring gamitin upang makuha ang sensitibong impormasyon ng mga biktima.
Para sa isang pamilyang kapos sa pera at nangangailangan ng pambili ng gamot o pambayad sa ospital, madaling paniwalaan ang ganitong alok. Kapag may nakitang pangakong malaking halaga ng ayuda, natural lamang na umasa ang isang taong desperadong makahanap ng paraan para matugunan ang gastusin sa pagpapagamot.
Dito nagiging mapanganib ang ganitong scam.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na huwag basta mag-click, magsagot o mag-share ng kahina-hinalang links, lalo na kung humihingi ang mga ito ng personal na impormasyon, bank details at iba pang sensitibong datos.
Hindi kailangang makipagsapalaran para makakuha ng lehitimong medical assistance. Ayon sa DOH, maaaring lumapit sa mga DOH hospital at accredited health facilities. Maaari ring mag-apply online sa pamamagitan ng electronic Medical Assistance for Indigent Patients o eMAIFIP service sa eGovPH Super App.
Mahalaga ring tandaan na ang tunay na programa at anunsyo ng DOH ay inilalabas lamang sa opisyal nitong Facebook page at iba pang verified social media platforms.
Sa panahon ng mabilisang pagkalat ng impormasyon online, hindi sapat na marunong tayong gumamit ng cellphone. Kailangan din nating matutong kumilatis. Isang maling pag-click lamang ay maaaring mauwi sa pagkawala ng personal na datos o pera na matagal pinaghirapan.
Mas masakit kung ang nabiktima ay isang taong naghahanap lamang ng tulong para sa may sakit na kapamilya.
Kaya ang pagiging mapanuri ay hindi simpleng pag-iingat sa sarili. Ito rin ay paraan ng pagprotekta sa pamilya at kapwa. Bago maniwala, mag-verify. Bago magbigay ng impormasyon, siguraduhing lehitimo ang pinanggalingan.
Ang tulong medikal ay dapat napupunta sa nangangailangan, hindi nagiging bitag para sa mga taong umaasa. Sa gitna ng pagdami ng online scams, ang tunay na ayuda ay dapat madaling mahanap, malinaw ang proseso at higit sa lahat, hindi ginagamit upang lokohin ang taumbayan.





Comments