Publiko, doble-ingat vs. pekeng gamot
- BULGAR

- 8 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 22, 2026

Nakakagaan ba talaga ng pasanin ng mga Pinoy kung mas mura ang gamot ngunit patuloy namang may panganib dahil sa mga pekeng medisina sa merkado?
Kaya naman, magandang balita ang pinaigting na pagbabantay ng pamahalaan sa VAT-exempt medicines, pero hindi maikakaila na mas magiging makabuluhan lamang ito kung kasabay nitong mapipigil ang pagkalat ng counterfeit drugs na direktang naglalagay sa buhay ng taumbayan sa alanganin.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin, mas pinaiigting ngayon ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbabantay sa mga gamot na hindi na sakop ng value-added tax (VAT) upang matiyak na tunay na napapakinabangan ng mamamayan ang pagbaba ng presyo.
Ayon sa ahensya, katuwang nila ang Department of Health (DOH) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagsasagawa ng inspeksyon sa mga manufacturer, distributor, at botika upang masigurong tama ang pagpapatupad ng VAT exemption at hindi ito naaabuso.
Nakatuon ang hakbang na ito lalo na sa mga pasyenteng may malulubhang kondisyon gaya ng diabetes, altapresyon, cancer, at sakit sa bato—mga karamdaman na nangangailangan ng tuluy-tuloy at mahal na gamutan.
Batay sa paunang pagsusuri ng FDA, wala pa silang nakikitang malalaking paglabag kaugnay ng implementasyon ng tax exemption. Gayunman, nagpapatuloy ang kanilang pagbusisi kung rehistrado ang mga gamot at may sapat na lisensya ang mga establisimyentong nagbebenta nito.
Kasabay ng pagpapaigting sa affordability ng gamot, mas agresibo ring tinutugunan ng FDA ang banta ng pekeng medisina na patuloy na umiikot sa merkado at online platforms.
Ayon pa sa ahensya, mapanganib ang counterfeit medicines dahil maaari itong magdulot ng allergic reactions, hindi paggaling ng sakit, at sa seryosong sitwasyon ay posibleng humantong sa pagkasawi ng pasyente. Dahil dito, mas pinaigting din ang koordinasyon sa Bureau of Customs (BOC) at law enforcement agencies upang masawata ang pagpasok ng iligal na gamot sa bansa.
Mahigpit ding pinaaalalahanan ang publiko na umiwas sa pagbili ng prescription medicines mula sa hindi beripikadong online sellers, lalo na ‘yung walang pisikal na tindahan o sapat na dokumento. Hinikayat ng FDA ang publiko na suriin ang label, expiration date, at registration details ng gamot, pati paggamit ng online verification portal at “e-sumbong” feature upang agad maireport ang kahina-hinalang produkto.
Malaking tulong ang VAT exemption lalo na sa senior citizens, persons with disabilities, at mga pasyenteng nangangailangan ng pangmatagalang gamutan dahil maaari pa itong maisabay sa umiiral na discounts. Ngunit ang tunay na sukatan ng tagumpay nito ay hindi lamang ang pagbaba ng presyo kundi ang katiyakang ligtas, lehitimo, at epektibo ang gamot na iniinom ng bawat Pilipino.
Hindi sapat ang murang gamot kung may pangambang peke pala ang mabibili ng isang mamamayan. Ang tunay na malasakit sa taumbayan ay makikita sa sistemang hindi lang nagpapababa ng gastos kundi aktibong nagbabantay sa kaligtasan ng bawat pasyente—lalo na sa panahong marami ang napipilitang magtipid kahit sa usaping pangkalusugan.





Comments