top of page
BULGARY - VINCENT CO, TODO-IWAS SA MEDIA-FB Caesar Vallejos.jpeg

Publiko, doble-ingat vs. heat-related illnesses

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 17, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hanggang kailan magtitiis ang mga ordinaryong Pilipino sa matinding init na tila unti-unti nang nagiging bahagi ng araw-araw na pakikibaka, lalo na kung pati pagpasok sa trabaho, pag-aaral, at simpleng pamumuhay ay direktang naaapektuhan ng sobrang taas na temperatura? 


Sa totoo lang, ito ay isang seryosong hamon sa kalusugan, kabuhayan, at kalidad ng buhay ng taumbayan, lalo na sa mga manggagawang babad sa init, commuters, vendors, delivery riders, at mga estudyanteng kailangang bumiyahe sa ilalim ng nakakapasong sikat ng araw.


Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nasa 44 lugar sa bansa ang makararanas ng danger-level heat index, indikasyon ng init na mas matindi sa aktuwal na temperatura dahil pinagsamang epekto ng init at humidity. Sa forecast, aabot sa 44°C ang heat index sa ilang lugar kabilang ang Muñoz sa Nueva Ecija, Camiling sa Tarlac, Sangley Point sa Cavite, Tanauan sa Batangas, San Jose sa Occidental Mindoro, Dumangas sa Iloilo, Borongan sa Eastern Samar, at Butuan City.


Samantala, inaasahang papalo naman sa 42°C hanggang 43°C ang heat index sa maraming bahagi ng bansa gaya ng Pasay City, Quezon City, Pangasinan, Cagayan, Aurora, Pampanga, Bulacan, Laguna, Palawan, Albay, Samar, Leyte, Zamboanga, Surigao, at iba pang lalawigan. Ayon sa weather bureau, kapag nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C, tumataas ang panganib ng heat cramps at heat exhaustion, lalo na sa mga matagal na nakababad sa araw o kulang sa hydration.


May ilang lugar ding makakaranas ng 40°C hanggang 41°C na heat index kabilang ang Isabela, Romblon, Cebu, Bohol, Davao, Negros Occidental, Misamis Oriental, at Bukidnon. Bagama’t mas mababa ito kumpara sa danger level, maaari pa rin itong magdulot ng discomfort at health risks sa vulnerable sectors gaya ng senior citizens, bata, at may iniindang sakit.


Bukod sa matinding init, may binabantayan ding low-pressure area sa silangan ng Central Luzon, habang makararanas naman ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan ang Batanes at Babuyan Islands dahil sa frontal system. Sa ibang bahagi ng bansa, posible ang isolated thunderstorms habang inaasahan ang magaan hanggang katamtamang hangin at alon.


Malinaw na paalala ito na hindi dapat maliitin ang epekto ng climate-related conditions sa araw-araw na buhay. Hindi sapat ang simpleng payong o malamig na inumin lamang; mahalaga ang sapat na pahinga, pag-inom ng tubig, at responsableng pag-iingat laban sa heat-related illnesses.


Tila mas lumalalim ang koneksyon ng matinding init sa tunay na kalagayan ng mamamayan—kapag mas mahirap ang buhay, mas mabigat ding tiisin ang init. Isa itong reyalidad na dapat paghandaan hindi lamang ng gobyerno kundi ng bawat komunidad upang maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng publiko.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page