top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Publiko, doble-ingat sa QR code scam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | July 24, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Mag-ingat, dahil sa isang simpleng pag-scan lamang ng QR code ay maaaring magbukas na ng pintuan sa pagkawala ng pinaghirapang ipon. Sa panahon ngayon, hindi na armas o dahas ang pangunahing gamit ng mga manloloko—kundi teknolohiya at panlilinlang. 


Kaya mahalagang maging mapanuri ang bawat Pilipino sa bawat online na transaksiyon dahil isang maling pindot lamang ang maaaring magdulot ng malaking problema.


Nagbabala ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa lumalaganap na “quishing” o QR code phishing, isang bagong uri ng online scam na gumagamit ng pekeng QR code upang makuha ang personal, banking at e-wallet information ng mga biktima. 


Ayon sa ahensya, hindi lahat ng QR code na nakikita sa mga establisimyento, social media o online ay lehitimo kaya dapat tiyaking mula lamang ito sa awtorisadong pinagmulan bago i-scan.


Batay sa mga ulat ng ACG, karaniwang tinatawagan muna ng mga scammer ang kanilang target at sasabihing napili itong makatanggap ng ayuda o iba pang benepisyo. Pagkatapos ay magpapadala sila ng QR code na kailangang i-scan para umano sa pagpaparehistro. Kapag na-scan ito, dadalhin ang biktima sa isang pekeng website kung saan hinihingi ang personal at financial information. Sa huli, mapapansing nabawasan o tuluyang nawala ang laman ng kanilang e-wallet o bank account.


Bagama’t patuloy na umuunlad ang teknolohiya, sinabi ng ahensya na kasabay din nitong nagiging mas sopistikado ang mga modus ng mga cybercriminal. Dahil dito, pinaigting ng PNP-ACG ang pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensya upang matukoy ang mga scammer sa pamamagitan ng legal na cyber warrants at mas mahigpit na pagbabantay sa online selling platforms.


Sa kabila nito, nagpakita ng positibong datos ang PNP-ACG matapos maitala ang 4,509 online scam cases mula Enero hanggang Hunyo 2026, mas mababa ng 18.4% kumpara sa 5,526 kaso sa kaparehong panahon noong 2025. Iniuugnay ito ng ACG sa mas malawak na cyber awareness campaign ng media, mga pampubliko at pribadong institusyon, at mga financial establishments na patuloy na nagtuturo sa publiko kung paano umiwas sa online fraud.


Samantala, tiniyak din ng PNP-ACG na wala pa silang namomonitor na seryosong cyber threat bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27. Gayunman, patuloy nilang binabantayan ang posibleng pagkalat ng maling impormasyon, phishing attacks, online scams at iba pang aktibidad na maaaring makaapekto sa kaayusan at seguridad.


Mahalagang tandaan na ang pinakamabisang depensa laban sa mga online scam ay hindi lamang nakasalalay sa mga awtoridad kundi nasa disiplina at pag-iingat ng bawat mamamayan. Habang patuloy na nagbabago ang teknolohiya, dapat ding sumabay ang kaalaman at pagiging mapanuri ng publiko. Ang ilang segundong pagberipika sa isang QR code ay maaaring maging susi upang mailigtas ang sariling pera, personal na impormasyon at kapayapaan ng isip. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page