Publiko, doble-ingat sa mga sakit ngayong tag-ulan
- BULGAR

- Jun 9
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 9, 2026

Hanggang kailan tayo magigising, kapag may baha, may sakit, o may namamatay na?
Sa bawat pagpasok ng tag-ulan, tila paulit-ulit ding bumabalik ang parehong problema—dumaraming kaso ng dengue, leptospirosis, at iba pang sakit na direktang tumatama sa ordinaryong mamamayan. Hindi sapat ang maghanda lamang kapag may bagyo na; mas mahalagang maging alerto bago pa man lumala ang sitwasyon.
Sa pagsisimula ng tag-ulan, muling pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging maingat laban sa tinatawag nitong “W.I.L.D.” diseases o mga sakit na karaniwang tumataas kapag madalas ang pag-ulan at pagbaha. Kabilang dito ang water-borne diseases, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue na kadalasang nakaapekto sa mga komunidad lalo na sa mga lugar na madaling bahain at kulang sa maayos na sanitasyon.
Ayon sa DOH, mahalagang agad na magpatingin sa pinakamalapit na health center kung napilitang lumusong sa baha, anuman ang lalim nito. Ipinaalala rin ng ahensya na may mga libreng gamot na maaaring makuha ng mamamayan upang maagapan ang posibleng impeksiyon, partikular ang leptospirosis na mabilis lumala kapag hindi naagapan.
Kasabay nito, pinalalakas din ng DOH ang kampanyang “4Ts” laban sa dengue—Taob, Taktak, Tuyo, at Takip—na layong pigilan ang pamumugaran ng lamok. Kabilang dito ang pagbaliktad ng mga lalagyan ng tubig, pag-aalis ng naipong tubig sa mga bagay na maaaring pagmulan ng lamok, pagpapanatiling tuyo ng paligid, at pagtatakip sa mga imbakan ng tubig. Binigyang-diin din ng ahensya na mas aktibo ang mga lamok mula alas-6 hanggang alas-8 ng umaga at alas-4 hanggang alas-6 ng hapon.
Bagama’t may positibong balita dahil bumaba ng 56 porsyento ang naitalang dengue cases mula Enero hanggang Mayo 2026—mula 114,308 noong nakaraang taon tungo sa 50,727 ngayong taon—hindi ito nangangahulugang maaari nang maging kampante ang publiko. Isang kapabayaan lang sa kalinisan o isang araw ng pagwawalang-bahala ay maaaring magdulot ng panganib sa buong pamilya.
Ang pag-iingat ay hindi lang responsibilidad ng gobyerno kundi tungkulin din ng bawat tahanan. Mahalaga ang regular na pagsubaybay sa lagay ng panahon, paggamit ng payong, kapote o bota, at pagtiyak na malinis at ligtas ang iniinom na tubig.
Paulit-ulit mang dumating ang tag-ulan, hindi dapat paulit-ulit ang pagiging pabaya. Kung magiging disiplinado ang bawat isa sa simpleng pag-iingat, mas maraming buhay ang maaaring mailigtas at mas kaunting pamilya ang magdurusa sa sakit na kaya namang maiwasan.





Comments