PTMP, modernisasyon o pagpapahirap sa mga tsuper?
- BULGAR

- Jul 1
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | July 1, 2026

Habang paulit-ulit na ipinagpapaliban ang mahigpit na pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), tila lalo lamang tumitindi ang kalituhan at pangamba ng mga umaasa sa jeepney bilang pangunahing paraan ng pagbiyahe at kabuhayan.
Sa halip na magbigay ng katiyakan, mistulang lumalalim ang hidwaan sa pagitan ng pamahalaan at sektor ng transportasyon.
Muling nanawagan ang transport group na Piston sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang PTMP.
Ayon sa grupo, nananatiling mahalagang usaping legal ang programa dahil ilang ulit nang niluwagan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng consolidation requirement. Iginiit ng Piston na hindi bababa sa 10 beses nang ipinagpaliban o pinaluwag ang naturang polisiya, dahilan upang patuloy na makaiwas sa ganap na pagrepaso ng hukuman ang isyu.
Sa ilalim ng PTMP, kinakailangang magsama-sama ang mga operator ng public utility vehicles sa isang kooperatiba o korporasyon upang legal na makabiyahe sa kanilang mga ruta.
Layunin ng programa na gawing mas ligtas, episyente, at makabago ang sistema ng pampublikong transportasyon. Gayunman, matagal nang kinukuwestiyon ng ilang transport groups ang implementasyon nito dahil sa malaking gastos, kakulangan ng suporta, at pangambang mawalan ng kabuhayan ang maliliit na operator at tsuper.
Ibinunyag din ng Piston na mula sa tinatayang 300,000 jeepney na bumibiyahe noong 2017, nasa 130,000 na lamang ang nananatiling operational sa kasalukuyan. Para sa grupo, malinaw itong indikasyon ng patuloy na pagliit ng bilang ng mga tradisyunal na jeepney na nagsisilbi sa publiko.
Hindi dapat maging dahilan ang paulit-ulit na pagpapaluwag ng mga polisiya upang manatiling hindi nareresolba ang mga usaping may malaking epekto sa milyun-milyong Pilipino. Ang modernisasyon ay mahalagang hakbang para sa mas maayos na transportasyon, ngunit hindi ito magiging tunay na makabuluhan kung maraming tsuper ang mawawalan ng hanapbuhay at maraming pasahero ang mahihirapang makahanap ng masasakyan.
Ang pinakamahalagang layunin ay hindi lamang ang pagkakaroon ng makabagong sasakyan kundi ang pagbuo ng isang sistemang patas, makatao, at kayang sabayan ng lahat.
Ang tunay na pag-unlad ay nasusukat hindi lamang sa modernong teknolohiya kundi sa kakayahan ng pamahalaan na protektahan ang kabuhayan ng mga tsuper at tiyakin ang maayos, ligtas, at abot-kayang transportasyon para sa bawat Pilipino.





Comments