top of page
BULGARY - VINCENT CO, TODO-IWAS SA MEDIA-FB Caesar Vallejos.jpeg

Playoffs: Isa pa sa T'wolves, SGA umangat uli sa Thunder

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 27
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 27, 2026



Shai Gilgeous-Alexander - Oklahoma City Thunder

Photo: Oklahoma City Thunder / FB



Nagtala ng bagong marka sa puntusan si MVP Shai Gilgeous-Alexander at wagi ang World Champion Oklahoma City Thunder sa Phoenix Suns, 121-109 sa 2026 NBA Playoffs kahapon sa Mortgage Matchup Center. Isang panalo na lang ang kailangan ng Minnesota Timberwolves para pumasok sa susunod na yugto sa bisa ng 112-96 panalo sa Denver Nuggets.


Nagtapos si SGA na may 42 puntos na pinakamarami niya sa playoffs at hinigitan ang 40 kontra Timberwolves sa Game 4 ng 2025 Western Conference Finals. Namuno siya sa malakasang pangalawang quarter kung saan binura nila ang 24-15 lamang ng Suns para maging 62-53 at hindi na sila lumingon.


Maaaring wakasan na ng Thunder ang serye sa Game 4 sa Martes. Kung sakali, haharapin nila ang mananaig sa pagitan ng Los Angeles Lakers at Houston Rockets kung saan lamang din ng 3-0 ang Lakers matapos ang overtime panalo noong Sabado.

Mahigpit ang palitan ng Minnesota at Denver hanggang naglabas ng huling sipa ang Timberwolves at dinomina ang huling quarter. Mula 82-78 ay unti-unting silang lumayo at ang huling iskor ay siya ring pinamalaking agwat.


Nanguna sa Timberwolves si Ayo Dosunmu na may 43 buhat sa limang tres. Ito ang kanyang pinakamarami sa limang taon sa NBA matapos ang 35 noong bahagi siya ng Chicago Bulls sa talo sa Rockets noong Marso 21, 2024.


Sa Eastern Conference, lamang na ang Orlando Magic sa Detroit Pistons matapos kunin ang Game 3, 113-105. Natamasa ng Pistons ang 105-104 lamang pero hindi na sila pinapuntos ng Magic sa nalalabing 2:52.


Bumanat ng limang magkasunod si Franz Wagner na hudyat ng paglayo ng Orlando, 109-104. Nanguna na parehong may 25 sina Paolo Banchero at Desmond Bane.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page