top of page
Gerald Anderson, Kim Chiu, Julia Barretto at Bea Alonzo - IG.jpg
Search

by Anthony Servinio @Sports News | August 29, 2026



Brownlee at Kai Sotto - FIBA Asia Cup - Instagram.

Photo: Circulated / Gilas


Larongayong Linggo - MOA

2 PM NZ vs. Syria

5 PM Australia vs. Jordan

8 PM Pilipinas vs. Iran


Tumira ng nagpapanalong three-points si Kevin Quiambao na sinundan ng malupit na supalpal ni Kai Sotto para talunin ng Gilas Pilipinas ang Jordan sa overtime, 82-81, sa unang araw ng FIBA World Cup 2027 Asia Qualifiers sa MOA Arena Biyernes ng gabi. 


Tututok na ang mga Pinoy sa Iran ngayong Linggo sa parehong palaruan. Winasak ng tres ni KQ ang 79-79 tabla na may 13 segundong nalalabi.  Biglang pinituhan ng foul si CJay Perez at ipinasok ni Freddy Ibrahim ang dalawang free throw para magbanta, 81-82, at siyam sa orasan.


Matapos ang Gilas timeout, hindi naipasa ni Scottie Thompson ang bola sa loob ng limang segundo upang ibalik ito sa Falcons. Sumaksak si Abdullah Olajuwon subalit sinalubong siya ni Sotto upang selyuhan ang resulta sabay tunog ng busina.


Tinuldukan ni Sotto ang kanyang pagbabalik sa Gilas na may 18 puntos at 14 rebounds.  Sumuporta si Perez na may 16 at Quiambao at Dwight Ramos na parehong 14. Ayon kay Coach Tim Cone, kapag tuluyang makakapasok ang Gilas sa World Cup ay tiyak na babalikan nila ang larong ito. 


Umakyat ang mga Pinoy sa 3-4 habang lumikha ng tabla sa 5-2 sa pagitan ng Jordan, Iran at Aotearoa New Zealand. Nagtapos si Ibrahim na may 22. Sumunod si Jalen Harris na may 19 pero napilay siya at hindi naglaro sa huling 30 segundo ng overtime. 

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | July 26, 2026



Tinanggihan ni LeBron James ang unang kontrata sa Los Angeles Lakers na $49-M sa halip ay lumipat ito sa Philadelphia 76ers para samahan sina Jaylen Brown, Tyrese Maxey, Joel Embiid at VJ Edgecombe sa koponan para makatulong na makasungkit ng NBA title sa pagpasok ng NBA 2026–27 season.

Photo: Tinanggihan ni LeBron James ang unang kontrata sa Los Angeles Lakers na $49-M sa halip ay lumipat ito sa Philadelphia 76ers para samahan sina Jaylen Brown, Tyrese Maxey, Joel Embiid at VJ Edgecombe sa koponan para makatulong na makasungkit ng NBA title sa pagpasok ng NBA 2026–27 season. B/R



Magsusuot ng uniporme ng Philadelphia 76ers si LeBron James sa susunod na dalawang taon. Inihayag ng superstar ang kanyang desisyon sa social media kahapon at wakasan ang ilang buwan ng espekulasyon sa buong NBA.


Ayon kay LBJ, ang paglipat ay bunga ng hamon na maghatid ng kampeonato sa lungsod. Sa tingin niya ay kayang wakasan ang 43 taong paghihintay ng Philly na masundan ang 1983 World Championship tampok noon sina Dr. Julius Erving at Moses Malone.


Hindi salapi ang naging batayan - tinatayang $8-milyon (₱493.7-milyon) lang ang halaga ng kontrata na napakababa kumpara sa mga nauna niyang pinirmahan. Gusto pa niya mag-sakripisyo, magtrabaho, lumaban at maranasan ang pakiramdam ng kampeon.

Naghihintay kay LBJ sa 76ers ang dating MVP Joel Embiid, mga pausbong na bituing sina Tyrese Maxey at VJ Edgecombe at ang bagong lipat na si Jaylen Brown. Si Coach Nick Nurse ay may isang kampeonato noong 2019 sa Toronto Raptors.


Sa katatapos na taon ay nagtala ng 20.9 puntos sa 60 laro si LBJ para sa Los Angeles Lakers na kapantay ng pinakamababa niya noong unang taon niya sa liga noong 2003-04 sa Cleveland Cavaliers. Umabot ang Lakers sa West Semifinals pero natalo sa Oklahoma City Thunder kung saan sinubukang buhatin niya mag-isa ang koponan sa gitna ng mga pilay kay Luka Doncic at Austin Reaves.


Ang pagpili sa Philly ay kontra sa matunog na kandidato Miami Heat na naunang kinuha ang isa pang dating MVP Giannis Antetokounmpo. Napisil din ang Cleveland at ang pagkakataon na wakasan ang karera kung saan nagsimula at pati rin ang Golden State Warriors para mabuo sana ang tambalan kasama si Stephen Curry.


Apat na kampeonato, 4 na MVP at sari-saring parangal kasama ang pinakamaraming puntos sa kasaysayan ay wala nang dapat patunayan si LBJ. Abangan na lang ang huling mga kabanata ng kanyang karera ngayong Oktubre.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 2, 2026



Lebron James - FB

Photo: Lebron James - FB



Pormal na nagpahiwatig kahapon na hindi na babalik si LeBron James sa Los Angeles Lakers para sa NBA 2026-27 sa Oktubre. Ito ang pagpapatuloy ng mga higanteng transaksyon ng 30 koponan para sa susunod na torneo.


Wala pang linaw kung saan siya lilipat subalit matunog ang Cleveland kung saan siya ipinanganak, nagsimula ang karera sa NBA, umalis, bumalik at nagbunga ng kampeonato noong 2016. Ito na ang maaaring huling koponan ng 41-anyos bago mag-retiro.


Ang Miami ay isa pang posibilidad at samahan ang bagong lipat na si Giannis Antetokounmpo. Naglaro si LBJ sa Heat mula 2010 hanggang 2014 at kampeon noong 2012 at 2013.


Nagpakita rin ng interes ang Golden State. Tinatayang mahigit 10 koponan ang nagtanong o nag-alok para sa serbisyo ni LBJ.


Walong taon si LBJ sa Lakers simula 2018 kung saan naging kampeon sila noong 2020. Noong Pebrero 7, 2023 ay nakamit niya ang karangalan na may pinakamaraming puntos sa kasaysayan ng liga at lampasan ang isa pang alamat ng Lakers Kareem Abdul Jabbar na may 38,387.


Kasalukuyang may 43,440 si LBJ. Itong katatapos na taon ay naglaro siya ng 60 beses lang at ang 20.9 bawat laro ay pumantay sa kanyang pinakababa noong kanyang unang taon noong 2003-04.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page