- BULGAR
- 2 days ago
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 24, 2025

Photo: Nikola Jokic / Denver Nuggets IG
Nagpamalas ng lalim ang World Champion Oklahoma City Thunder sa 119-103 panalo sa Memphis Grizzlies sa NBA kahapon sa Paycom Center. Tinambakan din ng Denver Nuggets ang Utah Jazz, 135-112, upang manatiling malapit sa OKC.
Tinamaan ng pilay o sakit ang maraming manlalaro sa parehong koponan subalit iba pa rin ang kalidad ni MVP Shai Gilgeous-Alexander at nagbagsak ng 31 puntos at 10 rebound habang 24 si Jalen Williams. Ito ang ika-100 sunod na laro ni SGA na may 20 o higit at umakyat ang Thunder sa 26-3.
Tatlong quarter lang kinailangan ang mga bituin at lamang ang Nuggets, 103-83, sa triple-double si Nikola Jokic na 14 at tig-13 rebound at assist. Nanguna sina Jamal Murray na may 27 at Peyton Watson na may 20 at lahat silang tatlo ay umupo na sa huling quarter tungo sa 21-7 at kapantay ang nagpapahingang San Antonio Spurs para pangalawa sa Western Conference.
Pinatibay ng numero uno ng Eastern Conference Detroit Pistons ang kanilang estado sa 110-102 tagumpay sa Portland Trail Blazers na kanilang ika-23 sa 29 laro. Wagi ang Golden State Warriors sa Orlando Magic, 120-97, sa likod ng 26 ni Stephen Curry.
Binura ng Boston Celtics ang 43-61 butas upang manaig sa Indiana Pacers, 103-95. Bumida sina Jaylen Brown na may 31 at Derrick White na may 19.
Patuloy ang pag-ahon ng New Orleans Pelicans mula sa pinakailalim ng West at limang sunod na ang kanilang nang talunin ang Dallas Mavericks, 119-113, sa likod ni Zion Williamson na nagtala ng 24 sa 25 minuto bilang reserba. Nasa ika-13 na ang Pelicans sa 8-22 habang 11-19 ang Mavs.








